Thursday, March 22, 2007

Mapanggalugad na Diwa

Isang Pilipina ang ginahasa ng siyam na kabataang Kuwaiti sa isang desert camp sa Kuwait. Isa pang Pilipina ang napaulat na ni-rape din ng dalawang Kuwaiti Police sa bansang iyon na umaabot sa 60,000 Pilipino ang namamasukan bilang mga katulong, drayber at manggagawa.

Noong 1991, sa kainitan ng Iraqi Invasion sa Kuwait ay maraming Pilipina rin ang nakaranas nang sekswal na pang-aabuso. Sa halip na tumulong upang makamit ang katarungan, isang opisyal pa ng pamahalaan noon ang nangungutyang nagwika na kung hindi rin lang maiwasang magahasa, tumihaya na lamang at mag-enjoy habang inaabuso. Hanggang sa kasalukuyan, libong kababayan natin ang hindi pa nabibigyan ng benipisyo sa kanilang “ War Claim”. Ang bilyong Dolyar na dapat ay naibigay na sa kanila ay patuloy pang pinagpipiyestahan ng mga “Buwitre”. Sa Saudi Arabia, maraming Pilipino ang nagdurusa sa kanilang mga bilangguan dahil naging biktima ng maling mga paratang. Marami na ang napugutan ng ulo.

Sino nga ba ang hindi makakaalala sa mapait na sinapit ni Flor Contemplacion at Delia Maga sa bansang Singapore? Si Delia na matapos paslangin ay ang kababayan pa niyang si Flor ang pinagbintangan. Ang pagbitay kay Flor sa Singapore ay naging simbolo ng kaapihang dinaranas ng mga Pilipino sa ibang bansa.

Sa Europe at Canada, ang pakahulugan nila sa Filipina ay maid o katulong. Ito ang ipinaabot na balita sa akin ng kaibigan kong si Allan Pulido na halos ay 11 taon nang naninirahan doon.

Si Maricris Sioson? Malagim ang sinapit niyang kamatayan sa bansang Hapon. Pinasakan pa ng bote ang kanyang ari. Manipestasyon nang nakaririmarim na pagyurak sa ating pagka-Pilipino. Sabagay, nasanay ang mga Hapon sa pagpaparaos sa ating mga kababaihan noong World War II. Kaya kahit lumaya na tayo sa kanilang pananakop, nag-luluwas naman tayo sa kanilang bansa ng mga pinaka-first class nating kadalagahan (pang-export ba? Dumaan sa Quality Control). Ang pinakamagaganda sa ating lipi, pinagpapasasaan ng mga sakang.

Noong World War II, itinatago natin ang ating mga kababaihan sa mga Hapon, ipinagtatanggol, ipinaglalaban hanggang kamatayan. Ngayon, itinutulak pa ng kanilang mga magulang na magpaalipin sa lupain ng mga sakang na sumakop sa ating bansa. Ang kapalit, salaping makakapagpaahon sa kanilang karukhaan. Kaya’t ang ating bansa, tambakan ng mga surplus at Junk. Mula sa mga reconditioned na bus, makina ng jeep, electronics, pati-ukay-ukay. He-he-he. Talagang basura na tayo sa paningin ng mga banyaga. Walang dignidad, walang pagpapahalaga sa dangal at puri. Gumugulong sa putik, handang gumapang sa lupa kapalit nang pagkabundat ng tiyan. Kaya’t ang mga tiwali, mga makabagong Makapili, handang ibenta ang ating kapakanan sa mga dayuhan. Itinatali ang ating bansa sa mga eskima at patakarang taliwas sa interes ng mga Pilipino.

Naku?! Ang mga maka-bagong Makapili? Kumikita ng Bilyong Piso sa pangungumisyon sa mga kontrata. Ang nagpapasan ng krus ay tayo. Ang pinapatay ng pesteng PPA ay tayo. Sa halip na tayong mamamayan ang pagsilbihan nila, dugo pa natin ang kanilang sinisipsip. Imulat ninyo ang inyong mga mata, maraming proyekto sa ating paligid ang minamadali, ang over priced. Ang maayos na kalsada, wawasakin at gagawin uli. Para daw maubos ang allocated na budget sa isang fiscal year at huwag mabawasan ang appropriated fund sa susunod na taon.Ang galing, ano? O baka nai-advance na ang commission sa kickback kaya upang huwag mabulilyaso, gumawa ng kung anik-anik na proyekto. He-he-he.! Mga project which defies logic and common sense. Hak-hak-hak!

Ang isa kong tropa maraming nakaaway na corrupt na ranking officer. Dangan kasi ay nag-request siya ng pagrepair sa isang generator ng kanilang barko. Nagrelease naman ng budget sa amount na 400 thousand Pesos. Ang isang bagong generator ay nagkakahalaga lamang ng mahigit 300 thousand Pesos. Ang ginawa ng honest na opisyal, bumili na lang ng bagong generator para sa barko sa halip na iparepair at isinoli ang 100 thousand Pesos. Galit na galit ang mga kurakot niyang opisyal. Kung ibibili lang daw ng bagong generator, sana daw ay ginawang 1 Milyon ang ni- request na pondo. Bobo daw talaga siya. Bobo! Makaraan ang ilang araw, nakatanggap siya ng relief order. Hindi bobo ang tropa ko mga ‘igan. May konsyensya kasi siya at mapagmahal sa bayan. Ang sabi nga niya sa akin, iyon daw ang maipagmamalaki niya sa kanyang mga anak. Kaya niyang humarap kahit kaninong tao na may karangalan at dignidad.

Ewan ko nga ba kung bakit? Ang kultura kasi natin ngayon at balyus ay unti-unti nang nilalason ng materyalismo, kasakiman at kapalaluan. Madali tayong masilaw sa mga mararangyang bagay. Mansyon na bahay, luxury cars, chika babes o papahh na mga “daisy”, ekta-ektaryang lupain, world tours, showbiz atbp. Naging status symbol na sa ating lipunan ang pagkakaroon ng mga batambatang “KABIT”. Marami sa ating mga pulitiko ang mistulang ipinangangalandakan pa ang pagiging “BABAERO o LALAKERO”. He-he-he! Kapag mayroon kang 4 G’s: guns, goons, gold and girls, bida ka na. Panalo ka na! Hinahangaan, kinaiinggitan, pinagpipitaganan. Sa halip na kasuklaman, pandirihan at kutyain. Kaya tuloy walanghiya na sila!! Dapat baguhin natin at balikwasin ang ating kultura at balyus. Panahon na upang ang mga salot na ito ng lipunan ay kondenahin at kutyain.

Habang tayo ay inaaliw noon ng pag-ieskandalo ni Kris Aquino sa kanyang pakikipagrelasyon kay Mayor Joey Marquez, habang kinikilig tayo sa TV program ng F-4 na Meteor Garden, nang pag-concert nila dito sa bansa, habang binubugbog ang sikolohiyang Pilipino sa telenovela ng mga Mexicans at Taiwanese--- hindi natin namamalayan ang pagkalam ng ating sikmura dahil sa kahirapan. Okay lang si Kris Aquino, kumita pa nga daw siya ng milyon sa isang communications company dahil sa Text messages tungkol sa kanyang LOVE STORY. Sa ganitong pag-iral ng komersyalisasyon sa Media Industry, kawawa tayong mga Pilipino. Sa halip na ang isulong ay ang mga balyus na pagkamakabayan at pagkamakatao, sinasagkaan at sinasalunga ang pagsulong ng mga progresibong diwa. Para sa kanila, mas mabuting pag-usapan ang showbiz kaysa sa pagtaas ng singil sa tubig, pagsakal ng PPA sa ating leeg, oil price increase, tuition fee hike, pangungurakot, katiwalian at mga isyung panlipunan.

Habang ang mga burgis at elitista ay inaaliw ni Mariah Carey sa The Fort at nagpapalakpakan naman ang mga yuppies sa concert ni Mandy Moore, habang ang mga matrona, mga Don, senyorita at senyorito ay nagpapakalasing sa mga mararangyang piging, si Mang Juan at ang kanyang pamilya naman ay natutulog ng hungkag ang sikmura. Kasabay ng halakhak ng mga kabilang sa alta sosyedad sa pagyayabang ng milyon o bilyong kinita sa kanilang mga transaksyon ay ang alingawngaw naman ng mga putok ng baril sa larangan, ang ungol ng naghihingalong kawal at pulis na nakikipaglaban sa kanayunan at kalunsuran. Nakikipagpatayan sa kapwa nila Pilipinong ginagabayan ng ibang ideyolohiya.

Mahirap talagang mag-isip, magsuri at mamulat ang isang liping nilason ang kaisipan ng mga mananakop na dayuhan. Hindi nila nakikita ang kanilang pagkakasuga sa kahirapan, kawalan ng katarungan at pagyurak sa kanilang karangalan at dignidad. Hindi natin nakikita na ang ating kapakanan ay kasalungat ng interes ng mga banyaga. Nabubuhay tayo sa isang ilusyon na kung ano ang maganda at mabuti para sa mga Kano,Hapon, Intsik, Aleman atbp. ay maglilingkod din sa ating kapakanan. Ha-ha-ha.! Kaya nga sa kabila ng pagiging tropikal ng ating bansa, kinakanta natin ang I’m dreaming of a White Christmas. Idol ng mga bata si Santa Claus. Amerikana ang paboritong business suit ng ating mga executives na nangangarap na maging mga Kano balang araw.

Ang mahirap sa ating mga Pilipino, naisalaksak na sa utak natin ang epekto ng Liberal Democracy ng mga Kano. “Wala akong Paki sa hindi ko Pami!” “You scratch my back, I’ll scratch yours!”. Lumalim ang impluwensya sa atin ng indibidwalismo. Ang bunga, wala tayong pakialam maging sa ating bayan. Kaya “in” ang pangungurakot at katiwalian basta ba super yaman naman ang kapalit. Hindi nakikita ng isang indibidwalista ang kapakanang pangkalahatan. Sa halip na ang isulong niya ay kolektibismo, inuuna niya ang kanyang pansariling kapakanan. Hindi uunlad at susulong ang isang bansang binubuo ng mga makasarili at may indibidwalistang pananaw. Salat sa esensya ng dedikasyon, pagtatalaga at pagsasakripisyo ng sarili ang taong makasarili.

Makasarili ang mga taong corrupt at tiwali. Ang kapakanan ng bayan ay kanilang isinasa-isangtabi magkamal lamang ng pera at kapangyarihan. Nakapanlulumo ang kasasapitan ng ating bansa kapag dumami pa ang kauri nila.

Gaano na kabulok ang umiiral na kalakaran sa ating lipunan? Sa isang pag-aaral noong 2004, ang Pilipinas ay itinanghal na pang 92 sa may kabuuang 133 na bansa sa buong daigdig bilang corrupt. Ito ay batay sa pag-aaral ng Transparency International na nakabase sa Berlin, Germany. Maging ang World Bank ay nagpalabas ng ulat na umaabot sa $ 40 Billion ang napupunta sa bulsa ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan sa nakalipas na 20 taon. Ang halagang ito ay kumakatawan sa halos ay 2/3 ng kabuuang utang panlabas na umaabot na sa 3.2 Trilyong Piso. Inaasahang lolobo pa ito sa 7 Trilyon hanggang sa taong 2008. Ngayong 2007 naman, tayo ang itinuturing na pinaka-corrupt sa buong South East Asia sa isang pag-aaral at survey sa Hongkong.

Maging ang isang dating kasapi ng gabinete ay nagpahayag na sa 2004 Budget na 864.8 Bilyong Piso, aabot sa 66.48 Billion Pesos ang mapupunta lamang sa panunuhol, SOP’s, komisyon o kickback.

Samantala, ang resulta ng isang pag-aaral ng Tax Research Center ng Department of Finance ay humantong sa nakagigimbal na reyalisasyon. Nawalan ang kabang yaman ni Juan De La Cruz ng 635 Bilyong Piso na potential revenues mula 1998- 2002 dahil sa pandaraya sa income at value added taxes mula sa mga korporasyon at propesyonal. Sa halagang nabanggit, kaya nitong burahin ang 658 Bilyong piso na deficit sa limang taong saklaw ng pag-aaral na ito. Umaabot din sa 242.7 Billion Pesos bawat taon ang nawawala sa bayan sa anyo ng tax leakage at pandaraya sa buwis.

Gayundin naman, niyayanig din ang ating ekonomiya sanhi ng epekto ng Globalisasyon. Sinasalanta ang ating mga magsasaka at manggagawa ng pagbaha ng banyagang produkto dahil sa WTO-GATT. Ibinubukaka ng eskimang ito ang makinis at malasutlang hita ng ating ekonomiya upang gahasain ng mga banyagang kalakal. Unti-unting pinapatay ang mga negosyanteng Pilipino. Ayon na rin mismo sa isang senador, umaabot na sa 1 Milyong kababayan natin ang nawalan ng trabaho dahil sa nagsarado ang kanilang mga pabrika at negosyo mula pa noong 1994.

Pansinin ninyo ang mga produktong mabibili natin ngayon, mula sa karayom hanggang sa mga laruan, sapatos at electronic equipments ay gawang China, Amerika, Japan. Hindi pa nagkasya itong mga intsik sa pagpapabaha ng kanilang produkto sa ating mga lokal na pamilihan, pati pagmanufacture ng shabu na sumisira sa utak ng ating mga kabataan ay dito na rin gumagawa. Salamat sa globalisasyon, he-he-he! Habang dumarami ang adik sa shabu, tinitilian pa at sinasamba ng ating mga kabataan ang F-4.

Sa dami ng problema ng ating bansa may solusyon pa kaya? Habang nag-aaway at nagtatalo ang mga pulitiko, tayo naman ay niyayanig ng mga eskandalo gaya ng Jose Pidal account, Impeachment kay Davide, minumulto din tayo ng PEA-AMARI Scam, RSBS Crisis, JDF issue, Macapagal Boulevard overpricing, Oakwood Mutiny, NAIA Tower incident, Kotong dito/ kotong doon, Kotong fiscals and judges, ang pesteng PPA. Ahhhh! Sobra na sila!! Ang mga buwaya, linta, buwitre at hunyango sa ating lipunan ang sumasakal sa ating leeg. Mananahimik na lang ba tayo? Hindi na, tama na!! Panahon na nang pagtindig at paglaban. Putulin na natin ang kanilang pagsasamantala sa ating bayan!! Tumayo at manindigan! Labanan ang pangungurakot at katiwalian sa lipunan! Ipaglaban ang katuwiran at katarungan!

(for any comment/ suggestion, pls call/ text 09192869948.)

- Batingaw 2004-





No comments: