Friday, July 11, 2008

TINTA AT PUNGLO
ni Bert Fabregas

Learn from the past, analyze and manage the present, predict and conquer the future. Ito ay isang makabuluhang gabay upang maiangat natin ang kalagayan ng ating bansa at mapagtagumpayan ang anumang balakid na ating kinakaharap. Dapat na magkaroon tayo ng malalim na kaalaman sa kasaysayan ng ating lipunan na nagpasulpot sa mga kasalukuyang krisis at sigalot sa ating kapanahunan. Hinggil dito, minarapat kong ibahagi sa inyo ang isang makabuluhang artikulo na aking malayang isinalin sa wikang Pilipino noong 1992 :

THE VISION OF THE FUTURE MUST BE ROOTED FROM THE IMAGE OF OUR PAST
ni F LANDA JOCANO


Ang terminong sibilisasyon ay hindi bahagi ng kontemporaryong sistema nang pag-iisip ng mga Pilipino. Ang mga mananalaysay at manunulat ay hindi seryosong nagpahayag o hindi man ay itinuring ito bilang elemento ng tradisyong Pilipino noon pa man hanggang sa kasalukuyan. Marami ang naniniwala na bilang mga TAO ay wala tayong nagawa na karapatdapat sa tawag na sibilisasyon. Hindi tayo inilarawan bilang “achievers”.Ang pangkasaysayang consensus ay tagapagmana tayo ng tradisyon na hindi umunlad nang higit sa “gathering and hunting stage” ng buhay. Ang mga pag-unlad na nangyari sa lumang paraan natin ng pamumuhay ay iniukol sa sunud-sunod na na pagdagsa ng mga nandayuhan na dumating upang manirahan sa ating mga baybayin at panatilihin ang kanilang mga abanteng kultura sa ating lupain. Ang ating apprenticeship sa sibilisasyon ay nagsimula, sinabi sa atin, sa pagdating ng mga Kastila noong ika-16 na dantaon subalit hindi pa natin nahihigitan ang ganitong apprenticeship. Ang Pilipino ngayon ay tinitingnan pa rin bilang isang pangkasaysayang dekorasyon na walang pang-kulturang aydentidad na maaasahan at walang basehang pangkultura na matitindigan.

Tama ba ang ganitong pananaw?

At gaya nang patutotohanan sa sanaysay na ito, ang ganitong pananaw ay hindi wasto. Ang mga Pilipino ay nag-aangkin ng isang maringal na sibilisasyon sa nakalipas. Ang achievement na ito ay hindi nagging bahagi ng kamalayang Pilipino kahit sa kasalukuyan dahil sa pagdating ng kolonisasyon, na kung saan ang sistematikong pagbaluktot ng ating pananaw tungkol sa ating mga sarili ay isinakatuparan. Sa katunayan, ang mga mananakop ay wala na ngunit ang lakas ng kanilang pagpilipit at pagbaluktot tungkol sa ating mga kakayahan bilang mga tao ay patuloy na nananatili, umiimpluwensya at humuhubog nang marami sa ating kasalukuyang iniisip tungkol sa ating mga sarili. Kaya kailangang muling tingnan kung paanong nangyari ang mga "distortions” na ito, muling tasahin ang mga estratehiya na kung saan ito ay naibenta sa atin, at ituwid ang mga kamalian sa pamamagitan nang paglalatag ng alternatibong katibayan at mga bagong pananaw.


Kulturang pagkayanig mula sa mga tagahawak ng Kulog

Sa kasaysayan, ang mga pagtatangka sa westernization ng Pilipinas ay nagsimula noong ika-16 na dantaon, ang yugto nang pagpapalawak ng merkantilistang taga-Europa sa Asya. Sa panahong ito, ang mga dakilang lakas ng kontinente ay nagsimulang magpalawak ng kanilang mararating sa lahat ng bahaging pandaigdig sa paghahanap ng mga bagong lupain at higit na kayamanan. Noong 1519, isang Portuguese na eksplorer at ang kanyang mga tripulante na naglilingkod sa hari ng Espanya, ang naglayag upang maghanap ng mga bagong rutang pangkalakal sa Silangan na kung saan ang mga rekado(spices) at iba pang produktong Asyano na mataas ang halaga sa Europa ay maaaring makuha. Sa mga “ventures” na ito ay hindi sinasadyang marating noong 1521 ang baybayin ng kapuluan na ngayon ay kilala bilang Pilipinas.


Ang aksidenteng ito’y hindi lamang naging tanda nang simula ng kolonyal na paghahari ng mga Kastila sa kapuluan kundi nang sistematikong pagkalantad din ng mga tao sa kulturang kanluranin. Sapagkat ang kasunod ng inisyal na “thrust” na ito ay ilan pang ekspedisyon ang ipinadala upang kunin ang arkipelago para sa korona ng Espanya at magtatag ng dominion ng Kastila sa Asya. Gayunpaman, noon lamang 1565, sa pagdating ni Miguel Lopez De Legaspi, nagawa ng mga Kastila na makapagtatag ng malakas na impluwensya sa kapuluan. Pagkatapos ng pagdating ng grupo ni Legaspi ay kaagad na naglunsad ang mga ito nang malawakang kampanyang pangrelihiyon at militar upang supilin ang mga lokal na armadong pagsalungat at wasakin nang marahas ang mga katutubong paniniwala at gawaing pangrelihiyon. Dinesenyo ang mga kampanyang militar upang mapilitan ang mga tao na tanggapin ang kapangyarihang pulitikal ng Espanya at ang mga misyonero, upang dahasin sila na yakapin ang Katoliko Romano bilang relihiyon.

Upang gawing lehitimo ang ganitong hakbang, kasabay na itinuro sa mga tao na ang kultura nila ay primitibo at inperyur sa kanilang mananakop. Ang mga visual objects- mula sa mga kagamitang pandigma hanggang sa mga gusali ng pagsamba ay sistematikong ipinakita sa kanila upang mapagmasdan. Ang mga lokal na practices ay inilarawan bilang mga gawain ng diyablo, kulumpon ng mga bisyo at tinukoy sa ibang termino na nagpapakahulugan sa kanilang di kanais-nais na gawi na naaangkop sa tao. Ang mga gawaing ito ay sadyang itinuloy upang hugutin ang mga tao mula sa kanilang nakalipas, siraan o pulaan ang kalagayan ng kanilang sistemang panlipunan at ipagkait sa kanila ang pag-asa sa kinabukasan sa pamamagitan nang paglumpo sa kanilang kamalayan ng dignidad at dangal nang higit sa kanilang kultural na tinataglay.

Sa katotohanan ay mapapatunayan nang mabisa sa pagbabatay sa mga dokumentong magagamit, ay nagpapanukala na hindi tutoong ang lakas ng mga Kastila ang gumapi sa mga unang Pilipino. Kundi isang uri ng kulturang pagkayanig (culture shock)- isang hindi mapaglabanang sikolohikal na damdamin nang kakulangan at maling oryentasyon sa harap ng isang armado at malakas na grupo na pumaralisa sa kanila upang di makakilos bago pa man magsimula ang labanan. Ang panalong ito ay pinuntusan ng mga Kastila sa pamamagitan nang paggamit ng pampasabog (ie, baril, kanyon) na naghatid ng takot samga katutubo. Ang bagong armas ay “nagsa-Bathala” (deified) sa mga kapangyarihan ng mga supernatural beings na pinaniniwalaang may kontrol sa kulog at kidlat. Ang paniwalang ito ay laganap sa buong kapuluan at patuloy na naghahari kahit sa kasalukuyang panahon. Kaya nang ang mga tao’y nakaharap sa ganitong visible na pinagmumulan ng kapangyarihan na nauutusan ng mga bagong dating ayon sa kanilang nais, sila ay sindak na napasunod.

Ang ganitong nagpalakas sa ganitong visual strategy ay ang pag-uugnay ng kabanalan at mistisismo ng krus na dinala ng mga Kastila kasama ng espada. Ang ating mga ninuno ay lubhang relihiyoso at nang sila ay pagsabihan naang sinumang may dala ng krus ay banal na tao at mga sugo ng Diyos sa lupa, ang mensahe ay agad na naunawaan. Gaya nang ang banta ng ekskomunikasyon ay sumisindak sa mga hari at emperador sa Europa noong middle ages, ganoon din ang banta ng pagsumpa ay tumunaw sa sa lumalabang diwa ng mga Pilipino sa pagiging eksaheradong takot sa mga dayuhan. Sa kawalan ng moral, sila’y nagging bihag ng kanilang sariling pag-iisip at emosyon, sila ay gumuho psychologically sa harap ng katunggali na dapat ay madali nilang nagapi gaya ng nangyari kay Magellan sa Mactan.

ANG PAGSALUNGAT NG ISLAM
 Makabuluhang dapat na tandaan na ang estratehiyang ito’y hindi umubra sa mga Pilipinong naging Muslim na sa pananampalataya bago dumating ang mga Kastila. Ang mga bagong sandata ay hindi nakaimpluwensya sa kanila sapagkat sila ay pamilyar na sa paggamit ng pampasabog at kaya nilang organisahin ang relihiyon upang palakasin ang kanilang institusyong pulitikal. Sa katunayan, sa mga pook na ang Kulturang Muslim ay matatag nang naitayo gaya sa Maynila, Mindanao at Sulu, ang mga Kastila ay dumanas nang malalaking pagkatalong militar. Maliban sa tatlong pook na ito, ang mga tao ay madaling natalo sa pamamagitan nang pagpapamalas lamang ng lakas ng mga sandata at ng bagong relihiyon.

Sa kabuuan, ang kampanyang Kastila ay naging matagumpay at sa sumunod na mga taon, ang lakas ng kanilang pananakop ay nagbunga nang transpormasyong panlipunan at pangkultura. Idinikta nito ang pangangailangan ng mga katutubo na lumayo sa kanilang mga itinatanging paniniwala’t gawain at tanggapin yaong sa mga bagong dating. Ang panahon ng kolonisasyon ay lumaganap sa buong kapuluan. Ang sistemang pampulitika ng mga Kastila ay tinanggap bilang huwaran ng pambansa at lokal na pamahalaan at ang Katolisismo ay yinakap bilang pambansang relihiyon.

Kaya, sa pamamagitan ng lakas at anyo ng pinong pamimilit, naiwaglit ng mga nanirahang katutubo ang kanilang tradisyunal na pamana sa unang kanluraning lakas. Sapagkat sa mga sumunod na taon, ipinarangal sa Espanya maging ng mga mananalaysay at manunulat na Pilipino ang pag-civilize sa mga INDIOS (unang tawag sa Pilipino) at pagpapayaman sa lokal na kultura sa kabila nang pagkaapi at kalupitang dinanas ng mga katutubo at ang sumunod na pagkawala ng kanilang kulturang pagkakakilanlan.

Ang karanasan sa mga Kastila ay hindi ang naging katapusan nang pangkasaysayang kamalasan. Sa pagdating ng Ika- 20 siglo, ang mga Amerikano ay dumating” to liberate the Filipinos” mula sa mapang-aping kamay ng mga mapang-aping Kastila na kanilang kadigma. Subalit, dahil sa iba pang kadahilanan o iba pa, sila ay nagpasyang manatili upang gawin ang kapuluan na “show window of American democracy in Asia”. Ang mga kampanyang Amerikano para sa kolonisasyon ng mga Pilipino ay ginamit din at ang pandarahas ay isinakatuparan sa proseso ng pananakop. Ang maaaring pinagkaiba ng estratehiyang Amerikano mula sa mga Kastila ay ang paggamit ng mga Amerikano sa edukasyon. Ang mga Kastila ay gumamit ng relihiyon.

Sa kadahilanang walang lokal na sistemang pang-edukasyon na maaaring gawing modelo, ang Amerikanong sistema ng pormal na edukasyon ang kinupkop at ang Wikang Ingles ang ipinakilala bilang wika sa pagtuturo. Minsan pa ay isang pino subalit mas sistematiko at masiglang kampanya para sa westernization ng mga tradisyong lokal ang naganap.

NANG ANG PLANTING RICE IS NEVER FUN

Sa pamamagitan ng ganitong edukasyon/ pagsasanay na paraan, ang mga kaisipang Amerikano, balyus at kaugalian ay ipinakilala bilang huwaran para sa kanais-nais, makabago at sibilisado. Ang mga karanasang Amerikano sa lahat ng aspeto ng buhay panlipunan mula sa pamahalaan o ekonomiya hanggang sa mga biyayang panlipunan ay binigyang diin, na kabaliktaran sa pagiging pesante nang buhay sa Pilipinas. Ang mga bata ay tinuruan halimbawa kahit ng mga American-trained na gurong Pilipino na ang “planting rice is never fun”, na ang kanilang “nipa hut is very small” at sila ay “poorly born on the top of the mountain”.

Ang pang-edukasyong ulos ay nagbigay-diin sa pagdakila sa mga mananakop na Amerikano at paghamak sa mga Pilipinong nagtanggol sa kanilang bayan sa pamamagitan nang pagtawag sa kanila bilang mga insurektos. Hindi sila mga bayani bagkus ay mga kontrabida. May iba pang paraan nang pagbahagi ng mga balyus ng Amerikano sa mga batang Pilipino. Ang katapatan ni George Washington na pumutol ng Cherry Tree at nagsabi sa kanyang Tatay tungkol dito, ang kabutihan ng palakaibigang si Santa Claus na namamahagi ng ng mga regalo sa mga well-behaved na mga bata ay naging popular na mga kuwento na nagpasigla sa mga sandali sa silid-aralan. Sa kabila nito, ang katutubong huwaran para maunawaan kung bakit ang mga kabataang Pilipino ay kumikilos nang ganoon ay si Juan Tamad na hindi kapuri-puri ang mga virtues. Kung ang kaalaman tungkol sa mga bayaning Pilipino ay itinuturo man at kamalayan sa mga Filipino virtues, ang mga ito ay isinasagawa lamang “peripherally” sa sentrong diwa ng edukasyon. Ang mga pagtuturo sa araw-araw ay nagtatapos minsan sa pag-awit ng “I’m dreaming of a White Christmas” sa kabila nang nakakapasong init ng tropikal na araw.

Sinadya man o hindi, ang ganitong paraan ay naglaan sa mga kabataang Pilipino nang punto ng paghahambing sa pagkakaiba, na kumiling sa pagdakila sa isang banyagang tradisyon at siraan ang kanilang sarili. Ang mga implikasyong panlipunan nang ganitong estratehiya ay malalim at may malayong saklaw. Hindi batid ng mga edukador na sila ay nakabalangkas nang pananaw na halos ay nagtagumpay na maihiwalay ang mga Tao sa kanilang mga kultural na ugat.

Sapagkat sino ang magnanais na gumawa sa bukid kung ang planting rice is “never fun”? Ano ang dapat ipagmalaki sa “little nipa hut” kung ang mga dibuho sa mga aklat, ang kahanga-hangang bahay ng mga Amerikano ang bumibihag sa imahinasyon? Kahit ang little Red Hen and the Three Little Pigs ay inaanunsyong naninirahan sa bahay na bato sa isang sunod sa usong rural na bukiring Amerikano. Ang batang Pilipino ay nabuhay sa daigdig nang pagkakaibang ito. Sino ang makapagmamalaki sa pagiging poorly born on the top of the mountain kung saan ang ginagamit na aklat ng mga bata ay naglalaman ng mga tagpo sa uri ng pamumuhay sa lunsod ng mga Amerikano?

Ano Ang Isang Pilipino?

Hindi na mahalagang tambalan pa ang mga halimbawa. Ang puntong dapat ditong tandaan ay ang ganitong pinong ulos sa “psychic world” ng mga batang Pilipino ay luminang sa kalaunan ng isang unconscious na pag-ayaw sa sarili nilang kultura, isang pagkiling sa kulturang Amerikano. Ang ganitong uri ng transpormasyon ay nakabahagi ng halos lahat ng mga Pilipinong nasa hustong gulang na nakapag-aral nang pormal na edukasyon sa publiko at pribadong mga paaralan.

Ang di-pagkasugpong sa pagitan nang kung ano ang natutunan sa paaralan at kung ano ang pinahahalagahan sa komunidad ay lalo pang pinaigting ng isang katumbas na agresibong media, kabilang ang mga pelikula, na nagpabaha sa mga lunsod, bayan at kanayunan ng mga ideya at balyus tungkol sa konseptong Amerikano ng “tama” o “sibilisadong” pamumuhay. Napakabisa nito na halos sa kalahating siglo ng kusang pamamatnubay ng tradisyong Amerikano hanggang sa kasalukuyan, ang karaniwang Pilipino ay dapat pang magsaliksik sa kanyang sariling pagkakakilanlan (identity) bilang isang katutubo sa kanyang lupang sinilangan.

Sa katotohanan, may mga dahilan para mawalan ng pag-asa sa ilalim nang mga malagim na pangyayari ng kolonisasyon. Subalit kaalinsabay nito, kailangan nating mapagtanto na hindi natin masisisi ang mga mananakop sa maraming mga kakulangan natin sa kasalukuyan. Tayo rin ay may bahagi sa sarili nating mga pagkukulang sapagkat pagkatapos mawala ng mga mananakop ay nanatili tayong nag-iisip gaya nang itinuro sa atin at hangarin ang paraan nang kanilang pamumuhay. Ang ating mga iskolar ay hindi man lang humamon sa hatol ng kolonyal na impluwensiyadong mga pangkasaysayang isinulat at sinaliksik.

Sa pagtalakay sa isyung ito, hindi tayo nagpapanukala ng isang chauvinistic idea (isang labis na katapatan at paniniwala sa pagiging superyur ng isang mithiin) ng pangkasaysayang katalisikan(scholarship). Sa halip, tayo ay naglalatag ng isang paghamon: dapat ba nating ituring ang Pamanang Pilipino (Filipino Heritage) bilang isang bahagi ng ibang kultura o dapat ba nating tanawin ito bilang isang pag-unlad na pinahahalagahan nang mahusay sa konteksto ng sarili nitong achievements at pagtugon sa mga lokal na kondisyon? Sapagkat, kung pag-aaralan lamang ang mga karanasan ng ating mga ninuno bago ang pag-ugnay ng kanluran, malinaw na mas marami silang natamo (achieved) sa sibilisasyon kaysa sa iniukol na credit sa kanila ng mga iskolar. Ang ganitong mga nakaraang achievements ay hindi man lang itinuro sa mga kabataan bilang bahagi ng ating national legacy at ang kapabayaang ito ay naging sanhi nang higit na kawalan natin ng kaalaman tungkol sa ating pambansang pamana. Kaya ang tanong na “ Ano ang Pilipino” ay patuloy na itinatanong bilang bahagi ng malawak na pag-usisa sa kalikasan ng sibilisasyong Pilipino.


ANG SIBILISASYONG PILIPINO MULA 500,000 B.C.

Kung nakamit ng mga Pilipino ang isang elaborate civilization bago ang pakikipag-ugnay sa Kanluran, ano ang ebidensiya na sususog sa ganitong pag-angkin? Ang mga iskolar sa buong mundo ay pansamantalang nagkasundo sa labing-isang pangunahing taluntunan (index) ng cultural achievement bilang kriterya upang klasipikahin ang mga lipunan sa pagiging “sibilisado” at “di-sibilisado”…Kaya, pansamantala nating gagamitin ang mga kriteryang ito upang mailagay ang ating mga accomplishments sa mas malawak na perspektiba…


Ang mga pamantayang ito ay: 1) epektibong teknolohiya; 2) malalaking sentro ng populasyon; 3) agham o siyensya; 4) sining; 5) pag-iral ng kalakalang panlabas; 6) sistema ng pagsulat o alpabeto; 7) relihiyon; 8) monumentong pang-madla; 9) sistema ng pamahalaan, 10) batas, at 11) pakikidigma

EPEKTIBONG TEKNOLOHIYA

Kung isasaalang-alang ang yugto ng panahon nang pag-unlad nito, ang tradisyong teknolohikal sa kapuluan ay sapat na pinapatibayan ng arkeyolohikal na mga materyales na nakalap mula sa buong bansa. Sa katotohanan, ang ating stone tool technology ay magmula pa noong 500,000 taon bago isinilang si KRISTO. Nagsimula ito sa paggawa nang magagaspang na kagamitang bato at progresibong nalinang bilang isang sopistikadong industriya noong 4000 BC, may makintab na kagamitan at makulay na palamuti bilang mga produkto. Ang mga materyal na ginamit ay mula sa mga bato, shells, hanggang sa putik. Ang industriya ng ceramics gayundin naman ay umunlad sa panahong ito. Ang sining sa paggawa ng tela ay isinulong, gaya nang pinatunayan sa pagkatuklas ng mga bark-eaters sa maraming archaeological sites. Ang unang bakal na ginamit ay tanso, sumunod ay ginto, bronze at hanggang sa iron. Ang mga butil at pulseras na gawa sa salamin ay ginawa bilang pangkalakal. Nagkasundo ang mga iskolar na ang glass-making, bilang bahagi bahagi ng technological achievement ng ating mga ninuno, ay napaunlad noong metal age.

MALALAKING SENTRO NG POPULASYON

Bago dumating ang mga Kastila ay mayroon nang malalaking mga villages sa kahabaan ng mga susing sentro ng kalakalan sa buong kapuluan. Ang Maynila ay pinananahanan nang mahigit sa 20,000 tao. Ang mga sentro ng kalakalan ay pinaliligiran ng mga tulos na bakod bilang pananggalang mula sa mga kaaway. Ang Cebu, Panay, Leyte at Mindoro ay masinsin ding pinananahanan. Ang mga komunidad sa paligid ng Lawa ng Laguna ay malalaki rin at nakikipagkalakal sa mga banyagang mangangalakal gaya nang mga Arabo at Intsik. Noong ika-16 na siglo, ang Pasig ay may 2000 inhabitants, ang Pila ay may 1,600 na mga tao, ang Morong ay may mahigit sa 2,000 populasyon. Sa isang salita, kung ang sentro ng populasyon ay isa sa mga criteria para sa sibilisasyon, tiyak na ang pamantayang ito ay natugunan sapagkat ang tinatawag na civilized centers sa Gitnang Silangan ay makapagmamalaki lamang nang magkatulad na population densities.

AGHAM o SIYENSYA

Ang pinakamasiglang prehistoric accomplishments ay nanggaling sa larangan ng predictive sciences. Ang katanungang madalas na itinatanong ay: napaunlad ba lamang nila ang isang set ng mga traditional practices at isang katawan ng superstitious beliefs? Ang sagot : sa katunayan, napaunlad nila ang isang sistema ng siyentipikong pamamaraan nang pagdadala ng mga suliranin. Halimbawa, ang pag-transform sa isang piraso ng putik sa isang matibay na lalagyan upang imbakan ng tubig at lutuan ng pagkain ay nangangailangan ng prinsipyo ng inorganic chemistry. Ito ay predictive sapagkat kung ang pagpapaapoy ay bumaba sa kinakailangang temperatura, ang lalagyan ay magkakabitak at kapag lumabis naman ang init, ang sisidlan ay magiging malutong at mawawalan nang silbi. Ang pag-aaral nang firing techniques batay sa mga lokal na ceramics na nahukay mula sa iba’t-ibang archaeological sites sa buong bansa ay nagpapamalas nang kaisahan sa firing techniques…

Sa organic chemistry, ang ating mga ninuno ay gumamit din nang katulad na prinsipyo nang may kalkuladong kamalayan. Ito ay pinatutunayan ngayon nang presensya ng mga mummies na preserbado sa mga kuweba ng Central Cordillera mountain range sa hilagang Luzon. Kahit ang mga tattoo sa balat ay preserbado. Isang katiyakan, upang makapag-imbak ng bangkay sa anyo ng isang mummy na lumalabag sa elemento nang pagkabulok ng kalikasan ay nangangailangan nang maunlad at epektibong chemistry. Kahit na ang lihim nang pag-embalsamo at mummifying ay hindi tumagal sa panahon at ang mga lumang pormula ay nawala, ang katunayan nang accomplishment ay gumuhit sa kasanayan ng ating mga ninuno sa larangan ng chemistry. Ilang mga iskolar ang nangatwiran na ang mga Egyptian Mummies ay well-preserved dahil sa mataas na humidity at tuyong klima sa pook at dahil sa pagkakalibing ng mga mummies sa loob ng mga matitibay na libingan ng pyramid. Kung ang mga salik na ito ay mahalaga sa pag-preserba ng mga mummies ng Ehipto, ang ating mga ninuno kung gayun ay nahigitan ang mga Egyptians sapagkat iniimbak nila ang kanilang mga patay sa ilalim nang marahas na kundisyong pangkapaligiran- mababang humidity, walang tigil na pag-ulan at ang kawalan ng puntod na magsiselyo sa kanilang mga patay laban sa mga elementong ito. Malinaw na sila ay nakapagpaunlad nang mas mataas na chemistry o kasanayan noon sa kabila ng katotohanang ang ating mga local mummies ay inilagak lamang sa mga bitak o puwang ng mga kuweba, lumabas na preserbadong buo pa rin ang mga ito.

Ang dentistry ay makinis na napaunlad noong ika-14 na dantaon. Nakalap mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang mga bungo na may perpektong dentures na nagpapamalas nang maayos na gawang gintong fillings. Karamihan sa mga nahukay na ngipin sa mga prehistoric sites ay nagpapamalas nang katibayan ng pagpapasta at pangangalaga o paggamot. Kung ang dentistry ay tumutukoy sa pangangalaga ng ngipin o dentures, ang dentistry kung gayun bilang bahagi ng scientific medicine ay matagal nang isinasagawa ng ating mga ninuno.

Ang pinakamadulaing accomplishment ng ating mga ninuno ay sa agham ng metallurgy. Ang metal ay natuklasan bilang epektibong materyal para sa paggawa nang kagamitan noon pang 500 BC. Upang pundihin (smelt) ang metal mula sa ore at tanggalin ang mga impurities sa proseso, ay malinaw na nangangailangan ng mastery of technique na higit sa trial and error approach. Sa katotohanan, upang i-transform ang malleable metal sa pagiging isang epektibong kagamitan ay nagtatakda muna ng mga sumusunod:

1. Pagtuklas ng blow-pipes upang makontrol ang init para sa smelting.
2. Sa paghulma ng bakal ay kasali ang kaalaman nang pagsasama ng carbon sa metal upang tumigas ang materyal. Ito ay tinatawag na carburization sa makabagong metallurgy. Kapag hindi ito isinagawa, ang metal ay mananatiling malambot at nahuhubog. Ang pagkasamsam sa mga kagamitang bakal ay nagpapamalas na ang mga unang Pilpino ay nasanay at kumilala sa ganitong Gawain.
3. Upang makagawa ng mga epektibong kagamitan, ang mga martilyo at kauring kasangkapan nito ay dinisenyo rin at niyari upang makayanan ang mga abok (cinders and slags).
4. Ang technique na quenching (paglalagay nang mainit na metal sa tubig) ay dapat na makasanayan upang mapanatili ang crystalline structure nang mainit na metal. Kung wala nito, ang produkto ay lulutong at mababalewala.
5. Ang tempering (pagpapainit at pagpapalamig kaagad sa bakal upang maabot ang tamang degree ng tigas) ay dapat na may natutunang kasanayan upang ang hinahangad na tigas ng metal na produkto ay mapanatili.

Ang lahat ng mga predictive techniques na ito ay natamo gaya nang pinatutunayan ng mga artifacts na nakalap sa maraming pook.

KALAKALANG PANLABAS

Bago dumating ang mga taga-Kanluran, ang ating mga ninuno ay abala na rin sa pakikipagkalakalan sa mga banyaga. Ang mga mangangalakal mula sa ibang dako ng Asya gaya ng India at Gitnang Silangan ay dumating upang makipagkalakal sa mga lokal na negosyante. Sumunod ang mga katutubong mangangalakal sa maritime trade routes ng mga banyagang ito. Ito ay humanggan sa pagpapalakas ng mga pampulong ugnayan at kalakalan. Ang pinakamaningning na yugto ng foreign trade sa sinaunang Pilipinas ay sa mga Intsik, partikular na sa kalagitnaan ng ika-9 at ika-15 dantaon. Ito ay pinatutunayan nang napakalaking natinggal na mga porselanang ceramics na nakuha sa buong bansa. Dumating ang iba pang mangangalakal mula sa Siam (Thailand), Cambodia at Vietnam…

SINING

Maunlad na ang Sining noong una pa mang panahon. Ang mga petrogliphs o linyang guhit ay natuklasan ng mga archaeologists ng National Museum sa mga batong kanlungan ng Angono (Rizal) na nagkakaedad ng 4,000 taon. Ang mga nililok na bagay ay nakuha sa mga libingan kung saan ang mga ito ay ginawang pananda sa puntod ng mga namayapa. Ang highlight ng prehistoric Filipino Art ay kinakatawan ng ceramics. Ang isang klasikong halimbawa ay ang Manunggul Cave Burial Jar. Ang banga ay may mga masasalimuot na mga disenyo, nakukulayan ng pula sa pamamagitan ng hematite. Sa ibabaw ng takip ay may simbolikong representasyon ng dalawang nilalang na gumagaod sa bangka sa isang ilog na kumakatawan sa lupain ng mga buhay patungo sa lupain ng mga patay. Ang pook na pinaglibingan ay may carbon-14 na edad na noon pang 890 BC. Maka-sining na ginawa at may kumplikadong disenyo na mga ritwal na sisidlan, ang nakalap mula sa mga libingan na tinatayang noon pang 1,500 BC hanggang 500 BC.

Kung ang Sining ay isang criteria sa sibilisasyon, ang ating mga ninuno kung gayun ay nagkaroon ng accomplishments na higit pa sa nai-credit natin sa kanila. Kahit na sa mga palamuti, ang mga gold ornaments na natagpuan dito ay sopistikadong ginawa at di mapapasubaliang isinuot nang mabikas at elegante.

( Kung mayroong Great Wall of China, Taj Mahal, Angkor Wat at Borobodur ang ibang bansa, anong istruktura ang Pilipinas na maipagmamalaki natin sa buong mundo?)

DOKUMENTONG PANGMADLA

Ang mga kritiko sa pananaw na mayroon tayong prehistoric civilization ay idinidiin ang katotohanan na tayo’y hindi nagtataglay ng mga megalitikong istruktura na magpapatibay sa mga ganoong accomplishments. Ito ay tutuo, hindi tayo nagtayo ng Pyramid, Great Wall, Taj Mahal, Angkor Wat, Borobodur at iba pa. Walang pangangailangan sa ganitong mga istruktura. Sa halip, ang ating mga ninuno ay nagtayo ng hagdang palayan--- isang kahangahangang nagawa sa larangan ng engineering- pagkat ito ay bahagi ng kanilang estratehiya upang mabuhay.

Sabihin man na habang ang mga megalitikong istruktura ay maaaring bumalot sa imahinasyon, maaari rin nilang palamlamin ang diwa pagkat kadalasan, ang mga ito ay produkto nang paghihirap ng tao. Ang mga ito ay buhay na simbolo nang kalupitan ng tao sa kanyang kapwa. Daan-daang alipin at libu-libo ang namatay upang maitayo lamang ang mga istrukturang ito. Sa ibang salita, ang mga monumento sa pangkalahatan ay tagapag-paalala nang pagpapasya ng tao na makapagkaloob ng dignidad sa sangkatauhan at kung gayun ang pagsasaalang-alang dito bilang pangunahing criteria ng accomplishments ay isang maling desisyon

Ang ating Rice Terraces ay makakatindig bilang accomplishments sa megalitikong istruktura. Subalit ang mga ito ay hindi ginawa para sa pagsasakripisyo ng tao, ang mga ito ay itinayo for human survival. Kung ganoon, sa usapin ng higher virtues, ang ating mga ninuno ay sensitibo na sa mas pundamental at universal na pamantayan ng sibilisasyon.--ang paghahangad sa mga layuning panlipunan para mabuhay ang mga tao.

Ang kakulangan sa espasyo ay pipigil sa atin sa paglalarawan nang detalyado sa mga accomplishments ng ating mga ninuno. Gayunman, maaaring sabihin na kung ang sibilisasyon ay bibigyang kahulugan bilang kaayusang panlipunan na nagtataguyod nang kultural na paglikha, ang ating mga ninuno ay naka-accomplish nang higit pa. Ang mga mananalaysay ay nagkaisa sa kanilang tala na ang ating mga ninuno sa pagdating ng mga Kastila ay mayroon nang kumplikadong sistemang legal. May batas na sila sa pampubliko at pribadong pag-aari, mana, kasal, obligasyon, crime against property, at sa maraming dako ng personal at institusyonal na pagkilos o gawi. Mayroon silang pamahalaan sa anyo ng Barangay, sistema nang pagsusulat at alpabeto sa anyo ng Alibata at natamo ang napakataas na literacy rate. Mas complex ang kanilang relihiyon kaysa sa mga mananakop. Ang kanilang kultural na paglikha ay nag-uugat sa licha, sa dekorasyon ng ceramics, sa disenyong arkitektyural ng mga bahay at sa pagta-tattoo. Walang nasa checklist ng ibang sibilisasyon ang hindi tinataglay,
hinangad o natamo ng ating mga ninuno, maaaring higit pa! Ang lahat ng mga kilalang criteria para sa sibilisasyon ay nakamtan at walang dahilan kung gayun, na pagkaitan ang ating mga sarili nang karangalan bilang sibilisado bago dumating ang mga taga-Kanluran.

MULING PAGBIHAG SA ATING TADHANA

Hanggang hindi natin kinikilala ang ganitong mga accomplishments at gawin itong mga bahagi nang kamalayang Pilipino, hinding-hindi tayo makakabawi sa ating kaisipang kolonyal at ang Pilipino ay mananatiling naghahanap sa kahulugan ng kanyang tadhana…Kailangan nating makabawi mula sa ating” Cultural AmnesIa “. Ang ganitong kawalan ng aydentidad sa ating pambansang pamana ang responsible sa karamihan nang kawalan natin nang kakayahan upang makamit ang KADAKILAAN.

1. Ipinagkait natin sa ating mga sarili ang mandate to greatness nang tinanggap natin ang isang pangkasaysayang alegasyon na ang ating kultura ay isang hiram at unang ibinigay sa atin ng mga sinasabing immigrating pre-historic people at sa kalaunan ay nang mga panginoong kolonyal.

2. Itinanggi natin sa ating mga sarili ang karapatan sa kadakilaan nang ipinagkait natin sa ating sarili ang isa sa ating kontribusyon sa mga Henyo ng sangkatauhan sa pamamagitan nang pagtawag kay RIZAL bilang pride of the Malays sa halip na pride of the Filipinos at hayaang tanggapin ito ng mundo.

3. Isinuko natin ang karapatang tumindig bilang kapantay ng ibang lahi nang tanggapin natin ang isang kasaysayan na nagtatala ng ating mga pagkatalo sa halip na pagkapanalo.

4. Pinaguho natin ang ating hangarin sa kadakilaan nang patuloy tayong nanangan sa ating mga kahinaan sa halip na sa ating lakas at mga achievements sa sibilisasyon.

5. Nabigo tayong matamo ang kadakilaan sapagkat lagi nating tinitingnan ang ating sarili sa negatibo sa halip na sa positibong paraan.

Sa ganitong konteksto kaya dapat tayong maghanap ng mga bagong daan ng pagbabago sa ating mga sarili. Ang ating pananaw sa hinaharap ay nakaugat sa larawan ng ating nakalipas, sa ating pananaw sa kasalukuyan at sa ating pride of ourselves…

Sapagkat itong kamalayang ito sa ating achievements ang makakasukat sa ating mga kakayahan bilang mga tao at tiyakin ang pundasyon ng ating mga kontemporaryong institusyon upang tayo ay makatindig nang higit sa iba…Sa paggawa nito, tatlong mapagpipilian ang bukas sa atin:

1. Panatilihin ang status quo at hayaan ang karanasang kolonyal na humubog sa ating pananaw dahil sa ito ay patuloy na nagkakahugis sa kasalukuyan.
2. Makipagbuno sa suliranin nang pambansang aydentidad sa termino ng mga huwarang nabalangkas mula sa western experience.
3. Isulat ang “script” ng ating sariling destiny at maging pangunahing taga-ganap sa halip na maging kiming tagamasid sa entablado ng pambansang pag-unlad at pagtatayo ng bansa.

( Ang ikatlong option ang dapat nating piliin upang tayong mga Pilipino, bilang isang lahi ay maging panginoon ng pagbabago at hindi na lamang manatiling biktima ng pagbabago.)


For any comments/ Suggestions pls text +639215895388

3 comments:

TALIBA said...

Mabuhay ang mga maharlika!

Mabuhay ang dakilang Lahing Kayumanggi!

TALIBA said...

Aming asam na ang lahat ng mga mamamayan ng bansa ay mamulat. Na darating ang panahon na lahat tayo'y sisigaw ng: "Kami'y mga Maharlika. Kabilang sa lipunan ng dakilang Lahing Kayumanggi".

zoila salamat said...

Ngayon ko lang nabasa ang blog ninyo. Sana ipagpatuloy ninyo ang magandang lathalain nito.. malaki ang naitulong nito sa proyekto ng aking anak sa History..
Mabuhay kayo!

Zoila