Masukal na daan, mga himig ng kalayaan
Madilim ang gabing iyon, halos wala akong makitang bituin sa kalangitan. Ni mga alitaptap na dati ay dumadalaw sa punong sampalok sa aming bakuran ay wala. Marahil ay nagtampo dahil kung minsan ay hinuhuli at binubulabog ko sila.
Tanging ang mga kuliglig ang naririnig ko, mistulang mga musikerong bihasa sa pagtugtog ng kanilang mga awitin. Malamig ang simoy ng hangin. Magkakatapusan na kasi ng Nobyembre. Nanunuot ang haplos ng hangin sa aking kalamnan. Pusikit na karimlan ang sa aki’y nakatambad, hindi ko man lang mabanaagan ang aming bukirin.
Hind kaginsa-ginsa’y isang daing ang aking narinig. Sumilip ako sa silid ng aking mga magulang, tulog naman sila. Muling pumailanlang ang panghoy. Asap mo ay dumaranas ng ibayong paghihirap, kailangang-kailangan ng tulong.
Kinuha ko ang munting sulo at bumaba ako sa aming bakuran. Nagmumula ang panaghoy sa may dakong bukirin. Sinundan ko ang pinagmumulan ng mga daing, masukal ang daang aking binabagtas. Naramdaman kong may mga tumusok sa aking mga paa, maraming tinik at siit.
Itinanglaw ko ang munting sulo na nagdudulot ng mapusyaw na liwanag. Maraming tinik ang bumaon sa aking mga paa. Maraming dugo ang dumaloy mula sa aking mga sugat. Mahapdi, masakit...
Nagpatuloy ako sa paglalakad na ang tanging tanglaw ay ang sulo. Walang tigil ang pagdaloy ng dugo mula sa aking mga sugat. Mapulang-mapula, tiniis ko ang hapdi at kirot. Napansin kong ang mga dugong dumaloy, ang mga luhang pumatak mula sa akin ay dumidilig sa mga tanim sa bukirin, dumadaloy sa mga bitak ng lupa. Sa bawat patak ng luha at dugo ay may mga munting binhi na sumisibol.
Hindi naglaon ay sinapit ko ang lugar na pinagmumulan ng panaghoy. Isang babaeng nakahadusay sa lupa ang aking nasilayan. Napansin ko ang mga tanikalang nakagapos sa kanyang mga kamay at paa. Ang kanyang buong katawan ay may mga galos at sugat, may mga pilat na simbolo ng kapaitang dinanas. Mapanglaw ang kanyang mukha, malamlam ang kanyang mga mata. Yayat ang kanyang katawan, ang kanyang damit ay gula-gulanit subalit napansin ko ang mga kulay nito. Pula, puti at saka bughaw.
Agad ko siyang nilapitan upang tulungan. Mabilis ang pagdaloy ng dugo mula sa kanyang mga sugat sa noo at dibdib. Pinunit ko at hinubad ang aking damit at itinali sa kanyang noo upang maampat ang pagdaloy ng dugo.
“Mabuti’t dininig mo ang aking panaghoy, ang aking daing...”, mahina at puspos ng paghihirap ang mga katagang namutawi sa kanyang mga labi.
“Tungkulin ko pong damayan ang sinumang nangangailangan.” ang tugon ko sa kanya.
“Marami na ang nakarinig sa aking mga daing, sa aking mga panaghoy. Subalit iilan lang ang tumugon. Ang iba naman ay hindi na nagpatuloy sa pagtahak sa masukal na landas. Nangatakot sila at nanghina ang loob dahil sa mga tinik sa daan.” Mahina at gumagaralgal na ang kanyang tinig.
“Sino po ang mga tampalasang may kagagawan nito sa inyo? Bakit po kayo nagkaganito?”, labis ang aking pagtataka kung bakt niya sinapit ang masaklap niyang kalagayan.
“Ang mga banyaga at mga anak kong nagtaksil sa akin, ilang daang taon na nila akong pinahihirapan. Ang agilang tuso, ibinabaon niya ang kanyang matatalas na kuko sa aking lalamunan..., patuloy naman akong sinusugatan at hinahambalos ng karit at maso”, nanghihina na siya subalit pinipilit pa rin niyang bumangon. Inalalayan ko siya at pinasandal sa malaking puno ng manggang htiik sa bunga. Dilaw na dilaw ang mga bunga ng puno subalit huli na ng mapansin kong ang lahat ng bunga ng mangga ay bulok na at inuuod.
“Wala po bang nagtanggol sa inyo?”, nagugulumihanan ako sa kanyang mga sinasabi. Maaaring ang dahilan ay ang kanyang mga sugat sa katawan, kaya’t may pasubaling nawawala na siya sa kanyang sarili, sa katinuan.
“Marami na sila, Si Andres, Si Jose, Si Jacinto, Luna.. subalit pinaslang din sila, ang masakit, si Andres at Luna ay pinatay ng sarili din nilang mga kapatid. Ang mga nagtaksil kong mga anak ay nakipagtulungan sa mga banyaga upang mailugso nila ang aking dangal at puri. Kapalit ng ilang pirasong pilak ay ipinagkanulo nila ang kapakanan ko at ang kalayaan ng kanilang mga kapatid. Salamat at may anak pa akong kagaya mo, handang dumamay at ako’y tulungan...”, saklot ng pangkamangha ang aking pagkatao ng mga sandaling iyon.
Hirap na hirap na ang babae sa pagsasalita subalit ang mga mata niya ay kasasalaminan ng ibayong katapangan. May mensahe siyang nais na ipaabot sa akin. Isang mensaheng nadarama kong unti-unting lumulukob sa aking puso at diwa.
“Tiniis mong landasin ang matinik na landas upang ako ay saklolohan. Tunay kang anak ng bayan. Hindi mo ininda ang mga sugat mo. Bagkus ay ang sugat ko pa ang iyong hangad na lunasan...”.
“Huwag na po kayong magsalita, makakasama po ito sa kalagayan ninyo. Tara na po, aalalayan ko kayo papunta sa aming bahay upang magamot kayo.” , hinawakan ko siya sa braso upang alalayan para makatayo.
“Huwag na anak, maraming salamat sa tulong mo at pag-aalala subalit kailanman ay hindi maghihilom ang aking mga sugat. Habang ang mga dayuhan ay naghahari, habang ang mga makapangyarihan sa lipunan ay bumubusabos sa mga dukha, umaapi sa mga walang lakas at mga kapuspalad... hindi maaampat ang pagdaloy ng aking dugo. Habang ang katarungan sa lipunan ay nilalambungan ng dilim, nililimas ng mga tiwali ang laman ng kabang-bayan at inaabuso ng mga gahaman ang kanilang posisyon, patuloy na magdurugo ang aking puso. Habang hindi nakakalag ang mga tanikala ng IMF-World Bank, Globalisasyon, WTO-GATT at colonial mentality sa aking mga kamay at paa, habang ang mga Anak ng Bayan ay hindi nagbabangon; patuloy na nag-aatubiling landasin ang daan ng pakikitalad sa lakas ng paninikil, ako ay patuloy na malulugmok...” banayad ngunit puspos ng hinanakit ang kanyang tinig.
Pinagmasdan ko ang kaanyuan ng aking kausap na sakbibi ng kasiphayuan at pighati. Ang kanyang mahabang buhok ay nilalaro ng banayad na hangin, sa kabila ng kanyang sinapit, nasasalamin ko pa rin sa kanya ang walang katulad na kagandahan na hindi napakupas ng panahon at mga pagsubok sa buhay. Ilang saglit lang ang lumipas, biglang nagliwanag ang dakong Silangan. May mga tinig akong naulinigan sa may di kalayuan. Maraming tinig, magagandang himig!
“Ano po ang mga iyon?”, puspos ng pagtataka ang aking tanong.
Ibinaling niya ang kanyang mukha sa dakong Silangan. May sumilay na ngiti at pag-asa sa kanyang hapis na mukha. “Sila ang mga Anak ng Bayang nauna sa iyo sa pagtahak sa landas na ito. Sila ang mga nag-alay ng kanilang sarili para sa aking kalayaan. Ang mga liwanag ay nagmumula sa kanilang mga sulo na tumatanglaw sa karimlan. Ang kanilang tinig ay simbulo ng bayang bumabangon, sa kanilang pagtindig ay muling manunumbalik ang aking lakas. Humayo ka anak, tahakin mo na ang kanilang dinaanang landas. Huwag kang manghihina sa mga pagsubok at balakid na iyong makakaharap sa iyong paglalakbay, sa mga tinik at siit. Sumama ka sa kanila upang madagdagan ang aking lakas. “ nagsusumamo ang tinig ng babae.
“Ngunit di ko po kayo kayang iwanan sa ganyang kalagayan...” ang nag-aatubili kong katugunan.
“Humayo ka na, huwag mo akong alalahanin. Tumuloy ka na sa landas na kanilang tinahak. Ahhhhhh...”, muli siyang nalugmok sa lupa. Agad ko siyang sinaklolohan subalit tinabig niya ang aking mga kamay. Pilit niyang itinaas ang kanyang kanang kamay at itinuro ang nagliliwanag na silangan.
Dinampot kong muli ang munting sulo. Nag-ibayo ang ningas nito kaalinsabay nang pagkapawi rin ng aking pag-aalala at pag-aalinlangan. Inaninag ko ang landas na aking tatahakin, buo na ang aking loob at paninindigan. Muli kong nilingon ang babaeng nakahadusay subalit para siyang bula na naglaho sa kanyang kinalugmukan. Isang watawat ng PILIPINAS ang nasa lupang kinabagsakan ng babae.
Bigla ang pagdaloy ng reyalisasyon sa aking Diwa. Biglang nagliwanag sa akin ang lahat. Masuyo kong dinampot ang watawat ng Inang Bansa. Itinapat ko iyon sa aking dibdib kaalinsabay ng pagpatak ng aking mga luha at pagkuyom ng kanan kong kamao. Patuloy kong binagtas ang masukal na daan. Muli ay naramdaman ko ang mga tumutusok na tinik sa aking mga paa. Pumapatak na naman ang luha at dugo sa tigang na lupain subalit sa pagkakataong ito, Sulo ng Diwang Pilipino na ang aking itinatanglaw sa karimlan... palakas ng palakas ang mga naririnig kong tinig, sigaw at himig, Malapit na, malapit na ako sa Milyong aninong umaawit ng himig ng kalayaan...
RFabregas
1988 unang naisulat
revised 2007
Lalawigan ng Rizal