BISIKLETA
ni Bert Fabregas
May mga gabing bigla na lang akong maaalimpungatan at mapapabalikwas mula sa pagkakatulog. Ang bubulaga sa akin ay ang karimlang nagkakanlong nang kapighatian. Gusto kong humikbi't umiyak ngunit nangangamba akong baka magising ang aking asawa't nag-iisang anak na mag-iisang taong gulang pa lamang . Naaalala ko na naman kasi ang kapatid kong si Rene, ako ang nagtulak sa kanya sa malagim na kapalarang kaniyang hinantungan. Sa mga ganoong sandali ay magsisindi ako ng sigarilyo at hahayaan ko na lamang na paglaruan ng usok ang aking baga. Sa bawat hitit ng usok ay mistulang maliliit na bubog ang nikotinang tumitimo sa bawat himaymay nito. Dati- rati ay health conscious ako ngunit mula nang tumuntong ako sa kolehiyo at makulapulan ng pira-pirasong kamalayan at konseptong panlipunan ang nag-iinat ko pang diwa noon, nagsilbing kakosa ko na ang yosi.
Nais kong igpawan ang kabihasnan kong ito na 'ika nga eh masyadong masiyete,
'este sentimental--- maging ang balat ng juicy fruit na una naming pinaghatian ng
asawa ko noong mag-steady pa lamang kami ay itinatago ko pa. Kaya't maraming
nakatago sa drawer ng aking kabinet: ngipin ng asawa ko nang sinamahan kong
magpabunot sa dentista, tansan ng Coke na ibinato niya sa akin noong una kaming
mag-away…etc.
Sa mga pagkakataong ganito ay bumababa na lamang ako sa basement ng
aming bahay. Doon ay kinakapa ko ang bawat bahagi ng isang lumang asul na bisikleta
at ng isang kahapong nagmumulto sa aking isipan. Mistulang mga alon na rumaragasa
sa dalampasigan ang isang mapanglaw na alaala habang pinupunit ng mga hagikhik at
mumunting tinig na lumulunod sa sugatan kong diwa.
Basangbasa noon ng ulan ang yayat na katawan ni Rene na halos ay
magwawalong taon pa lamang, nakikisabay sa tikatik ng tulo at buhos ng ulan sa tagpi-
tagping mga yerong kalawangin ng aming barungbarong ang kanyang paos na tinig na
sumisigaw ng KUYA, KUYA FRED! Agad kong binuksan ang giray na pinto, nanginginig
na siya sa ginaw habang kipkip ang isang supot na pansit na nakabalot sa plastik.
Pinagkuskos niya ang kanyang mga palad, hinipan ang mga ito at ipinahingalay sa
kanyang mga kilikili upang mamalimos ng kaunting init. Sa labas ng aming hamak na
tahanan ay salasalabat ang matatalim na kidlat na pumupunit sa nagdidilim na
papawirin. Humuhugong ang malakas na bugso ng hangin na bumubulong ng pasigaw
sa mga yayat naming balangkas na nakikipagbuno sa hapdi ng sikmurang hungkag.
Masaya naming pagsasaluhan ni Rene ang pansit at kanin na nagmula sa
maghapong pagbubungkal ng basura--- sa ganitong gawain ay sinisinop namin ang anumang bagay na puwede pang pakinabangan, mga bagay na itinapon ng iba ngunit sa amin ay kabuhayan. Lilipas ang ilan pang sandali at kasama na sa kinakain namin ang mga payak na pangarap sa buhay na maging maunlad at makahulagpos sa karalitaan. Ngunit paano? Sa paligid na ito na puspos ng karahasan, karumihan ng paligid; dito, sa mga pusali at estero ng lunsod nalugmok ang katawan ng aming mga magulang. Marahil, dito na rin kaming magkakapatid mamamatay sa karukhaan.
Kaya't sa mga ganitong panahong masungit at umuulan ay hinahanap-hanap namin ni Rene ang init ng pagmamahal ni Inay at Itay. Mabait at uliran ang aming ina, maprinsipyo at marangal naman si ama. Natatandaan ko pa noon na naging matigas ang pagtanggi ni itay sa alok ng tusong si Don Jose. Hangad ng huli na gamitin ang kinang ng kanyang salapi sa paghahangad niyang kamkamin ang lupaing gobyerno na kinatitirikan ng maliit naming bahay. Sampung taon na nakipagbuno sa karukhaan ang aking mga magulang upang magkaroon ng karapatan mula sa pamahalaan. Sa pamamagitan ng salapi at impluwensiya ay biglang nagkaroon ng titulo ang lupa na pumapabor sa gahamang si Don Jose. Subalit hindi maaaring masindak si itay ng mga ilegal na maniobra at eskima ng kabuktutan, pinulong niya at inorganisa ang kilusan ng mga maralita upang ipaglaban ang katarungan at karapatan sa lupa.
Hanggang isang gabi ay may dumating na mga pulis sa bahay dala ang balitang yumanig sa aming kamusmusan ni Rene. Naholdap daw sina itay at inay at napatay, wala raw silang lead tungkol sa mga salarin. Sa huling gabi ng burol ay misteryosong nagkasunog sa aming lugar. Natupok at naabo ang mga bahay sa pook na iyon pati na rin ang labi ng aming mahal na mga magulang. Samantalang si Don Jose naman, pagkalipas ng ilang buwan, ay inatake sa puso. Marahil, dahil sa pagbibilang ng kanyang mga ari-arian at kayamanan. Sa naabong tirahan at mga kinipkip naming alaala ni itay at inay ay magkatuwang naming sinalunga ni Rene ang kabangisan ng buhay.
DIYARYO, BOTE!! Namamalat ang aming mga tinig sa kasisigaw. Sa gabi naman ay nagtitinda pa ako ng balot. Halos ay maghahatinggabi na kung ako ay makauwi at aabutan ko si Rene na nakapangalumbaba sa giray na hagdan ng aming barung-barong na umaamot ng kanlungan sa ilalim ng isang lumang tulay , matiyaga siyang naghihintay sa akin. Isasabay niya sa pagitan ng mga buntunghininga at paghihikab ang kanyang pangarap na magkaroon ng isang bisikleta, ito rin ang inuungot niya noon kay itay na hindi na nagkaroon ng katuparan.
Sa awa ko sa aking kapatid ay gumawa ako ng paraan. Walang pagsidlan sa
tuwa si Rene nang isang araw ay umuwi akong sakay ng isang lumang bisikleta na
nakuha ko sa junk shop ni Akong Bondat. Hinulug-hulugan ko na lang ang easy rider sa
madayang intsik na lagi kong nakakaaway dahil ang ipinadadangkal sa mga diyaryong
nasa kariton ko ay si Tiyagong Manok na ang dangkal ay umaabot halos sa labing-apat
na pulgada.
SALAMAT KUYA SA REGALO MO SA AKIN, naibulalas ni Rene, magsasampung taon siya noon. Sa loob halos ng isang linggo ay pinag-aralan ng kapatid ko ang pagbibisikleta. Pagkatapos naming mamulot ng pagkakakitaan sa tambakan ng basura ay pupunta kami sa lumang basketball court ng subdivision malapit sa amin. Doon ay buong sigasig niyang pag-aaralan kung paanong manimbang habang inaalalayan ko siya. Sa kabila nang pangungutya ng mga batang taga- subdivision na basura raw ang bisikleta ni Rene kumpara sa mga bago nilang BMX bikes, buong pagmamalaki pa ring ipinamamarali ni Rene na regalo ko iyon sa kanya.
Gasgas ang tuhod, semplang, gasgas sa mukha, inabot lahat ito ni Rene subalit walang pagsisisi na mababakas sa kanya. Hanggang matuto siyang magbisikletang mag-isa, bumitaw sa manibela habang nagpipedal at kung paanong paangatin ang gulong sa unahan, halos ay gusto niyang paliparin ang bisikleta.
Lumipad nang mataas! Pangarap ni Rene ang humulagpos sa pagkakasaklot ng karalitaan. Mula nang dumating ang bisikleta sa buhay naming dalawa ni Rene ay maraming nabago. Hindi na ako hinihintay ng aking kapatid sa may hagdanan kapag umuuwi ako mula sa pagtitinda ng balot. Sa madaling araw naman ay magigising ako sa ingay kapag nililinis niya ang bisikleta. Pinag-ipunan din niya ang pinturang asul na nagbigay ng bagong bihis dito . Sa kinabukasan naman ay mauuna siyang kakain ng agahan at bago pa tumirik ang araw ay aalis na siya para mag-deliver ng diyaryo. Hanggang sa pagtulog ay katabi pa rin ni Rene ang bisikleta, ang masama nga lang ay kadalasang nakakadale ng tae ng aso ang mga gulong nito. Hugasan man ay may kaunting amoy pa rin. Kaya't kapag napapadako sa aking ilong ang kamay ni Rene dahil sa kalikutan niyang matulog ay sumasama agad ang aking pakiramdam. Palalalain pa ito ng utot niyang nakikipagpaligsahan sa paghilik.
Ang mga araw ng aming kamusmusan ay walang anumang nilulon ng panahon. Mistula itong halimaw na sumisingasing sa kabangisan na humubad sa aming kamangmangan at kamalayan. Para itong uli-uli na nagpabulusok sa amin sa kumplikasyon ng buhay at buhawi rin itong nagpaimbulog sa amin sa mga tyorya at ideyolohiyang panlipunan.Unti-unting tinalikuran naming magkapatid ang mga pyudal na paniniwalang nagpabansot sa pagyabong ng mga progresibong ideya. Na kesyo, kaya raw mahirap ang PILIPINAS ay dahil sa population boom, uragun daw ang mga pinoy! Bobo, mangmang, saklot ng manana habit, tanga, magnanakaw, manggagaya, corrupt, mapamahiin, mapanlamang at puta. Na ang construction boom daw ay simbolo nang pag-unlad gayundin ang pagdagsa ng mga PX goods at pagpasok ng dayuhang pamumuhunan. Pati ang pagbisita Ni MARIMAR sa PILIPINAS ay indikasyon daw nang pag-unlad. HA-HA-HA!
Ang bisikleta ni Rene?.. alaga pa rin niya ngunit hindi na niya ginagamit, ang anyo nito ay wala halos ipinagbago sampung taon na ang nakakaraan. Kapag nasa bahay naman siya ay lagi niya itong pinupunasan. Bininyagan pa niya ang bisikleta sa pangalang KARLO…
Marahil, dahil sa kaming magkapatid ay naging biktima nang kawalan ng katarungan sa pagkamatay ng aming mga magulang kung kaya't madali akong nakumbinsing sumali sa isang pangmasang organisasyon. Nasa ikatlong taon na ako noon sa pag-aaral ng engineering sa UE, pinalad akong maging scholar at sa gabi naman ay nagwi -waiter sa isang club. Si Rene ay first year college at scholar din ng pamantasan. Ako ang humimok sa kapatid ko upang sumali sa general assembly ng kilusang estudyante. Ako ang naging pangunahing facilitator at kadre ng nasabing organisasyon.
Nasalang ako sa pagbabasa ng mga social at political books, sa mga seminars at symposium. Maraming katanungang ipinupukol si Rene sa larangan ng pulitika, ekonomiya, lipunan at ideyolohiya. Bakit naghihikahos ang ating bansa? Bakit umiiral ang kawalan ng katarungan? Bakit mga dayuhan ang may kontrol sa mga pangunahing industriya, gaya ng langis, elektroniks, parmasyotikal, bakal, kemikal, kalakalan, komunikasyon, teknolohiya, atbp? Tayo ba ay talagang malaya na bilang isang bansa?
Ipinaliwanag ko sa kanya na kaya atrasado ang ekonomiya ng PILIPINAS ay di pa tayo ganap na malaya. Ang rebolusyong 1896 ay dapat na ipagpatuloy. Inagaw ng mga ilustrado ang pamumuno sa rebolusyon mula sa pamumuno ng masa at ibinenta ng paksyong Aguinaldo ang himagsikan sa Biak-na-Bato sa halagang apat na daang libong piso(P 400,000.00) at pinaslang pa si Andres Bonifacio. Nagtungo sa ibayong dagat ang pangkating Aguinaldo matapos makuha ang nasabing halaga.
Samantala, ang Amerika ay dumaranas noon ng Industrial Boom sa larangan ng ekonomiya at nangangailangan ng mga bansang mapagtatambakan ng mga surplus products ay nakita ang potensyal ng Pilipinas bilang isang bagong palengke ng kanyang mga produkto. Kaya't inudyukan ng mga kano si Aguinaldo na ipagpatuloy ang himagsikan at nakahanda ang Amerika na tumulong upang mapalayas ang mga Kastila sa Pilipinas. Nalinlang nila ang ilustradong heneral nang agawin ng mga kano ang karangalan nang pagpapasuko sa mga Kastila sa Intramuros noong August 13, 1898.
Noong December 10, 1898, binili ng mga kano ang Pilipinas sa mga kakulay nilang Kastila sa halagang Dalawampung Milyong Dolyar($20,000,000.00). Ang mga sumunod na pangyayari ay ang ekstensibong paghugot ng mga kano sa ating ugat ng kamalayan at kultural na pagkakakilanlanHalos araw-araw ay nagdaraos kami ng talakayan ng mga kasama ni Rene sa kanilang selula. Ako ang nagsilbing gabay nila sa mga pag-aaral na humigop sa aming katauhan pabalik sa nakaraan ng Pilipinas. Ang ibinabahagi ko sa kanilang katotohanan ay bunga ng obhetibo kong pagsaliksik sa kasaysayan at hindi bahagi lamang ng mga burador sa kurso na ipinapatalakay ng mga kadre ng kilusang estudyante sa UE. Naniniwala ako na ang tao , bilang isang indibidwal ay rasyonal at may lohikal na kakayahang tasahin ang katotohanan, hindi siya dapat ituring na isang makina o instrumento lamang na mapapakilos nang hindi ginagamit ang isip at katuwiran. Hindi isang makina na mamanipulahin sa pagbabago ng lipunan.
Tumitigil saglit ang ikot ng mundo hanggang unti-unting magsulputan ang mga tagpo sa ating kasaysayan. Noong 1902, bago nagwagi ang imperyalistang US sa pagsakop sa Luzon at Visayas( hindi sila nagtagumpay sa Mindanao dahil sa magiting na pakikibaka ng mga kapatid nating Muslim) ay $600 Million ang kanilang ginasta at 146,468 nilang tropa ang nakidigma; isang malinaw na katibayan na di natin sila tinanggap sa ating bansa with open arms. Mayroong 4,000 kano ang napatay at 3,000 naman ang malubhang nasugatan. Ang mga mandarahas na mananakop ay nagmasaker sa ating mga kalahi, nanggahasa sa mga kababaihan, nandambong sa mga ari-arian, nang-tortyur, nang-sona, halos umubos sa mga taga-Batangas at sumunog sa Samar. Magiting na nagtanggol at lumaban ang mga Pilpino mula October 1898 hanggang April 1902, halos apat na taon. Higit sa panahong ginugol ng mga Kano upang lansagin ang Japanese Forces noong World War II--- kasing tagal ng WW I.
Sa kabuuan, gumugol ng anim na buwan ang Amerika para matalo ang mga Kastila at 42 buwan naman para matalo ang mga Pilipino. Higit sa anim na ulit ang tinamo nilang casualties. Ang mga Kano ay pumaslang at nag-masaker nang mahigit sa 600,000 Pilipino sa Luzon pa lamang. Sila rin ang nagpakilala ng .45 cal sa pamamagitan ni Gen. John Pershing dahil sa knocking power nito at epektibo upang lipulin ang mga rebolusyonaryong Pilipino at mga kapatid na Muslim sa Timog. Naghuhumiyaw pa ang dugong ibinuhos ng mahigit sa isang libo at limandaang mandirigma, babae, matanda at batang mga Tausug sa labanan sa Bud Dahu sa Jolo. Ang hamletting na naging taktika ng mga Kano sa Vietnam War ay una muna nilang ginamit dito sa Pilipinas noong pacification campaign..
Ang mga Kano raw ang nagturo sa atin ng sibilisasyon. Hindi!! Sa lahat ng mga digmaan sa sibilisadong lipunan--- ang karaniwang ratio ng patay sa sugatan ay 1:5, ibig sabihin ay isa ang patay sa bawat limang sugatan. Sa Boar War, American CivilWar, Spanish-American War at mga digmaang pandaigdig, ang ganoong proporsyon ay nananatili. Kahit sa panahon nang pananakop ng mga Hapones na inilarawang barbaro ng mga Kano, ang 1:5 ratio pa rin ang lumutang. Subalit sa American Official Record ng Fil-AM WAR ay nagpamalas nang kabaligtaran, sa bawat limang patay na Pilipino ay isa lamang ang sugatan. Sa hilagang Luzon pa lamang ay naging 10:1 ang ratio.
Alam ng mga Kano ang kamalian ng mga Kastila at batid nila na ang pagkundisyon sa isipan ng mga tao ay mas mainam na kaalinsabay ng operasyong militar, ipinakilala nila ang edukasyong pampubliko. Isang sistema ng edukasyong para sa kanila ay sistematikong proseso nang pagpilipit sa katotohanan at tunay na kasaysayan ng lahing Pilipino. Ang edukasyong kolonyal ay tusong sumira sa pakikibaka at tagumpay ng mga Pilipino, sumakay sa mga sinaunang balyus habang niluluwalhati ang kulturang kano upang mapadali ang paggawa ng mga tapat, makasarili, may oryentasyong komunsumo at alipin sa kabuhayang uri ng mga tao. Kaya ang mga pinoy ay tinuruang A is for apple, sa halip na atis, C is for chestnuts/chocolates, na ang G is for grapes sa halip na caimito o guyabano. Ang mansanas, chestnuts at ubas ay nasa listahan noon ng mga surplus na US products para sa export.
Hindi naglaon ay ipinakilala si Santa Claus(kamukha nila) na may dalang bag ng mga regalo para sa mga well-behaved na mga bata( masunurin,palayuko sa kahit anong dikta nila?); ganoon din si St. Valentine, ang patron ng mga mangingibig. Kaya't kapag pasko at valentine's day, kailangan nating magpadala ng Hallmark at Gibson greetings card bilang tanda ng ating malalim na pagmamahal, kahit na ang mga santong ito ng mga banyaga ay kasama sa 200 santo na inalis na sa opisyal na talaan ng Vatican dahil sa ang eksistensiya ay pinag-aalinlanganan. Ang mga greeting cards companies ay kumikita ng milyun-milyong dolyar sa Pilipinas lamang.
Sapagkat ang mga Pilipino ay may likas na talento, pinaawit siya ng “I was poorly born on the top of the mountain” na sa kalaunan ay nadiskubre sa isa pang awit na itinuro ng mga Kano na ang indibidwal na “I’s” ay mismong mga Pilipino (Negritoes of the mountain, what kind of food you eat?). Pinasaulo rin sa mga batang Pinoy ang “Red, white and blue, stars over you, mama said, papa said, i love you!” na hindi na kailangang diretsahang isalaksak sa utak na mahalin ang US Flag.
Sinabi rin sa mga batang Pinoy na si Pepe( incidentally ay ang palayaw ni Dr. Jose Rizal ) ay isang maliit na bata na naatasan ng kanyang guro upang gumupit ng isang munting unggoy na papel at kinulayan ng kayumanggi(kulay ng Pinoy). Nalaman nila na ang “Nipa hut is very small” at sa mga tipikal na bukiring Kano, ang mga aso kahit baboy ay naninirahan sa konkretong bahay.
Ang mga batang Pilipino na pagkaraan ng ilang dekada ay naging mga lider ng bansa ay tinuruang magdiwang at magsaya tungkol sa mga pangyayaring psychologically ay nagpapanukala sa pambansang pagkatalo, kawalan, kolaborasyon, pagkakawatak-watak at pagiging palaasa; gaya ng Death of Rizal, Fall of Bataan and Corregidor at July 4th Independence. Gayundin ay tinuruan sila na ang “ clean little hands are good to see”( sa pamamagitan ng TIDE? PALMOLIVE? CAMAY? O LUX?); na ang “Planting rice is never fun” hindi lang sa kadahilanang ang US ay may surplus CALIFORNIA RICE kundi sa dahilang ang nais ng AMERIKA ay murang asukal upang gawing kendi at nakakaadik na cough syrup; copra para margarine at sabong panlaba, perfume, pomada, baby oil; troso para maging plywood, radio, TV, stereo, cabinet, mongol pencil, iron at copper ores para sa opisina, hardwares, appliances, bala, bomba at iba pang instrumento ng pagpuksa; tabako para sa SALEM, WINSTON, CAMEL, MARLBORO, PHILLIP MORRIS. Etc.
Talagang mas magagaling ang mga Kano kaysa sa mga Kastila pagkat kung inabot ng 44 taon (1521-1565) ang huli upang makapagtatag ng pundasyon ng direktang pamamahala, ang mga Kano naman ay 16 taon lamang upang ang Pilipinas ay gawing alipin ng Imperyalistang US. Ngayon, kahit wala na tayo sa direktang kontrol nila, hindi na nila kailangang magpaliwanag sa kanilang mga kolonyalistang patakaran.
Marami na silang mga tagapagtanggol sa hanay ng mga Pinoy na nakahandang mag-alay ng buhay para sa interes ng dayuhang kapakanan. Ikinulong ng mga naging lider ng ating bansa ang kanilang mga sarili sa mitolohiyang kung ano ang mabuti sa Amerika ay mainam din sa Pilipinas, na ang kapakanan ng mga Pilipino ay kahanay rin ng interes ng mga Kano.
PERO, TEKA! BAKIT? ANG MGA KANO LANG BA ANG IMPERYALISTA?
Nanghahalihaw ang tanong ni Rene. Sa balintataw ko’y kagyat na lumitaw ang isang lupain ng gobyerno na mahigit tatlumpong ektarya, daan-daang pares ng mga kamay ang humahawan sa masukal na lupain. Matatalas ang talim ng mga itak na pumuputol sa mga sanga ng kahoy, talahib at mga damong ligaw. Lumulutang ang usok ng mga sinusunog ganoon din ang mabahong singaw ng mga katawang walang takot sa tila mga karayom na tusok ng sikat ng araw. Amoy kili-kili, amoy pawis, mapanghi. Ang lupaing iyon ay resettlement area ng pamahalaan at mapupunta sa mga tao kapalit ng maliit na halagang huhulugan. Nakakasulasok ang amoy, amoy kili-kili...unti-unting umiikot ang aking paningin dahil sa amoy, pabilis nang pabilis hanggang lamunin ako ng karimlan... katahimikan. Ilang saglit pa ang lumipas at dahan-dahang napawi ang amoy. Karimlan. Bigla ay nakarinig ako ng mga putok ng baril at mula sa kalabuan ay nabuo ang dalawang balangkas na tinatadtad ng punglo.
Nagkulay dugo ang paligid pero, ano ito? Wala akong nararamdaman, wala! Wala na rin akong nauulinigan, nabibingi na ba ako? Pinaliguan ko na ang aking sarili ng dugong nagmumula sa mga nakataob na bangkay ay di ko pa rin maamoy ang lansa na aking inaasahan. SINO KAYA ANG MGA ITO? KAWAWA NAMAN! Nang itihaya ko ang dalawang bangkay ay biglang nanuot sa aking ilong ang lansa ng dugo, sina itay at inay! HINDI! AHHH!
Hindi lamang ang US ang imperyalista! Madiin at malakas ang aking naging pahayag. Maging ang CHINA at RUSSIA ay mga imperyalista rin! Pinakikialaman nila ang internal at eksternal na usapin at patakaran ng mga maliliit na bansa sa daigdig. Ang mga katagang iyon ang naging sanhi upang tanggalan ako ng karapatang mag-lecture. Si Rene naman ay agad na ipinasailalim sa paggabay ng ibang kadre at facilitators. Ngunit bago nangyari iyon ay marami pa akong natalakay sa session group ng aking kapatid na taliwas sa doktrina ng kilusan.
Sa aking paniniwala, tatlo lamang ang batayang suliranin ng bansa: KALAYAANG PAMPULITIKA, KATUBUSANG PANGKABUHAYAN AT PANLIPUNANG PAGKAKASUNDO. Bakit Kalayaang Pampulitika? Una, tinitiyak ng mga banyaga na ang iuupong pangulo ay susunod sa kanilang dikta at magtataguyod ng dayuhang kapakanan. Nag-aambag sila ng malaking pondo para tiyakin ang panalo ng sinuportahang kandidato.
Halimbawa,si Magsaysay ay nabigyan ng $25,000.00 para sa kanyang kampanya sa pagkapangulo laban kay Quirino. Noong 1953, ang NAMFREL na inorganisa ni GABE KAPLAN at pinalakas ni Col. EDWARD LANDSDALE katulong sina ELEUTERIO ADEVOSO at JAIME FERRER ay diretsahang tinustusan ng US upang matiyak ang panalo at pagiging presidente ni RAMON MAGSAYSAY. Nang manalo ang huli ay pinirmahan niya ang LAUREL-LANGLEY AGREEMENT na tulad ng BELL TRADE ACT ay nagbigay karapatan sa mga dayuhan na gahasain ang ating mga likas na yaman. Noon namang 1986, pinondohan ang NAMFREL ng $3,000,000.00 ng iba’t-ibang korporasyong dayuhan na nagtataglay ng banyagang interes at iniluklok ng US si CORY AQUINO matapos ang isang kudeta . Resulta, nalublob tayo sa ASSET PRIVATIZATION TRUST, DEBT TO EQUITY SCHEME, MEMORANDUM OF ECONOMIC POLICY, IMPORT LIBERALIZATION, SEQUESTRATION at iba pang eskima na bumukaka sa hita ng ating ekonomiya.
Ikalawa, ang pamahalaan ay kontrolado pa hanggang ngayon ng mga oligarko na ang interes pangkabuhayan ay nakasuso sa mga banyaga at laban sa kapakanan ng sambayanang Pilipino. Ikatlo, ang pananatili ng lumang kulturang pampulitika na may katangiang indibidwalista, personalista at populista; sa madaling salita, ang pulitika ng opurtunismo ay patuloy na sumisira sa sistemang pampulitika. Ikaapat,ang kawalan ng demokratikong partisipasyon ng mamamayan sa pag-ugit ng mga desisyon at kawalan din ng istrukturang magsusulong nito.
Katubusang Pangkabuhayan? Ang mga pangunahing industriya ay kinakailangang nasa kamay at kontrol ng mga PILIPINO. Hindi uunlad ang bansa kung ang mga susing industriya gaya ng langis, bakal, kemikal, mineral, gamot atbp. ay kontrolado ng mga banyaga at habang nanatili parin ang ang kaayusang mala-kolonyal ay mala-pyudal. Kailangang isa-Pilipino ang mga susing industriya at isulong ang pambansang industriyalisasyon tungo sa tunay at ganap na pagbabago sa lipunan.
Panlipunang Pagkakasundo--- ang patuloy at papatinding patayan sa hanay ng mga PILIPINO ay bunga ng indibidwal at mapanghating kaisipan na isinalaksak sa ating mga utak ng mga dayuhan : Hollywood movies, TV Programs, magazines, comics, edukasyong kolonyal, etc. Dapat maliwanagan ng lahat na ang pangunahing problemang dapat lutasin ng mga Pilipino ay ang aspetong ito ng pagkakaisa. Ang kalaban natin ay ang mga dayuhan at hindi ang mga kapwa natin Pilipino. Lusawin na natin ang malalim na “regionalism” at taktikang “ divide and rule” na ginamit sa atin ng mga dayuhan at naging daan upang tayo ay pagharian sa sarili nating bayan.
Ang mga prinsipyong nabanggit ang aking yinakap at tinanganan sa halip na ang ideyolohiyang KOMUNISMO. Ang aking naging tanglaw pangkaisipan ay ang DIWANG PILIPINISMO na ang batayang prinsipyo ay ang mayamang balon ng karanasan ng REBOLUSYONG 1896 na pinamunuan ni Gat. ANDRES BONIFACIO at ng KKK.
Ang isinusulong ng Pilipinismo ay pagkakaisa, hindi ang tunggalian ng uri! Hindi dapat na klasipikahin ang lipunang Pilipino sa antas ng kabuhayan, hanap-buhay at pinag-aralan. Mismong ang Kalikasan ng Mundo ay nagtatakda nang pagkakaugnay at Harmony ng lahat ng bagay at nilalang. Maging ang ating mga daliri sa kamay ay hindi pantay-pantay subalit may kanya-kanyang gamit at kumakatawan sa kabuuan. Lisyang linya din na paigtingin at isangkalan ang tunggalian ng mahirap at mayaman sapagkat ito ay tyoryang salat sa pagsasaalang-alang sa lohika at rasyonal na pangangatwiran.
Hindi monopolyo ng mga mayayaman ang kasamaaan at hindi rin laging mahihirap ang nasa katuwiran. Ang tunay na Kalayaan ay nagsisimula sa pagkakaroon ng kamulatan, kamalayang panlipunan at pagsusulong ng internal na pagbabago sa ating kaisipan. Ang tunay na pagbabago ay nag-uugat sa pagbabago ng ating diwa at sarili. Kasunod ng kamulatan ay ang pagsasaalang-alang sa pampangkalahatang interes at pambansang kapakanan. Ang itaas na bahagi ng lipunan ang dapat na manguna sa radikal na transpormasyon ng lipunan upang maiwasan ang marahas at madugong tunggalian. Kapag ang bumalikwas ay ang masa, magiging madugo ang resolusyon ng tunggalian.
Kung uuriin natin ang Lipunang Pilipino, dapat na sa pagitan nang MABUTI at MASAMA. Mabuting PILIPINO ka ba o MASAMA? Makatarungan ka ba o di- makatuwiran?
Kaya pinagpunit-punit ko ang sulat mula sa komite sentral ng kilusang estudyante. Reaksyunaryo raw ako! Pakawala ng militar, penetrator, demolitionist at dapat nang tumigil sa kontra-rebolusyong pagkilos. Nagngangalit ang aking kalamnan at tumiim ang aking mga bagang dahil sa mga maling paratang sa akin. Kritikal daw ang aking pananaw sa Mother RUSSIA at CHINA. Hindi raw imperyalismo ang pakikialam ng mga ito bagkus ay bahagi ng mga hakbang tungo sa internasyonalismo. Ipinasya kong mag- lie low at mag-concentrate na lamang sa pag-aaral, hanggang tuluyan na akong tumiwalag sa kilusan.
Naging simula iyon nang paglayo ng loob sa akin ni Rene na tuluyan nang nabrain-wash ng komunistang doktrina. Bihira na siyang umuwi sa bahay at tuluyang nag-fulltime sa pagkilos. Maraming beses na akong nakipagtalakayan sa kanya ngunit malalim na ang ugat ng taglay niyang ideyolohiya.
Nang manlupaypay ang komunismo sa RUSSIA at nag-adopt naman ng one- party-two system ang CHINA ay hindi pa rin nagbago ang paniniwala at komitment ni Rene. May mga gabing dumadalaw siya sa akin (lumipat na ako ng bahay nang magtapos sa college at nagkatrabaho) at nagkukuwento ng mga karanasan niya sa larangan. Minsan daw ay napawalay siya sa kanyang yunit, nang matagpuan siya ng kanyang mga kasama ay kampante pa siyang natutulog sa ilalim ng isang malaking puno. Inihabilin na rin niya sa akin ang kanyang bisikleta at nakiusap na ingatan ko ito. Iyon lang daw ang kanyang pag-aari na puwede niyang ipamana sa kanyang magiging pamangkin.
Dalawang taon pa ang matuling lumipas nang huli naming pag-uusap, niyanig ako ng isang balita. Napatay daw si Rene! Nabaril siya! Ang pumasok kaagad na tanong sa isip ko ay anong yunit ng Army o Police kaya ang nakapatay sa kanya?
Nang makuha ko ang bangkay ng aking kapatid ay sumulpot ang katotohanang gumimbal sa akin. Mula sa tagpi-tagping mga detalye na aking nakalap sa kanyang mga kasama at sa mga militar ay lumutang ang masakit na katotohanan. Mismong kasama rin ni Rene ang pumaslang sa kanya dahil pinaghinalaang DEEP PENETRATION AGENT(DPA). Isinangkot siya sa OPERATION ZOMBIES. May tama ng punglo ang noo ni Rene, puno ng pasa ang katawan at may marka pa ng itinaling alambre ang kanyang mga kamay.
Bigla ay natulig ang aking tenga ng mga putok ng baril, sunud-sunod. Sa loob ng ilang sandali ay nangibabaw sa paligid ang usok ng pulbura, pinabangis ng amoy nito ang aking katauhan. PUTANG-INA!! HINDI HUDAS ANG KAPATID KO!! Sinabunutan ko ang aking buhok, nangalog ang aking mga tuhod hanggang mapaluhod ako sa lupa at mapahagulhol.
Ilang gabi matapos mailibing si Rene, paulit-ulit na dumadalaw sa aking panaginip ang kanyang pagkamatay. HINDI AKO TAKSIL!! ANG ANTI-REBOLUSYONARYO AY ANG MGA REAKSYONARYONG MGA LIDER NA NAGPIIT SA KANILANG DIWA SA NILULUMOT AT KINAKALAWANG NA MGA TYORYA, MABUHAY ANG SAMBAYANAN!! Naglilitawan pa ang mga ugat sa leeg ng kapatid ko dahil sa kasisigaw. May piring noon ang kanyang mga mata at nakagapos ng alambre ang mga kamay sa likod. Magkahalo na ang dugo at ulan na humihilam sa kanyang mga mata.
Isang malakas na kulata ng AK-47 ang tuluyang nagpatiklop sa mga tuhod ni Rene hanggang mapasubsob sa lupang nagpuputik na ang kanyang mukha. Bunton ng putik na nagmula sa hinukay na libingan. Pakiwari niya ay mistulang maiinit na dibdib iyon ng isang inang matagal nang nangungulila sa nawalay na bunso. HALIKA, ANAK! HALIKA! Malamyos ang tila nag-aanyayang tinig ng hukay na pumapawi sa paghihirap na kanyang dinaranas. INAY, ITAY! Nagdidiliryo na sa hirap si Rene. Hindi nag-aksaya ng panahon ang berdugong naging lihim na kaaway ng aking kapatid sa kilusan at siyang nagtahi ng mga paratang. Matagal na itong naiinggit sa kanya dahil sa kasamahang babae na naging karelasyon niya. Nakisabay sa kulog ang putok ng baril hangang lumatag nang tuluyan sa lupa ang katawan ni Rene.
Matagal ko ring ipinagluksa ang aking kapatid. Kahit nang mag-asawa na ako at magkaanak ay multong bumabalik sa akin ang pag-aaruga ko sa kanya, ang mabuti naming samahan hanggang paghiwalayin ang aming diwa ng isang ideyolohiya. Lagi akong sinusumbatan ng aking budhi dahil sa pagtulak ko sa kanya noon na sumapi sa organisasyon ng mga estudyante.
Sa mga gabing ang kaulayaw ko ay bote ng lapad na nagpapamanhid sa aking isip ay hindi mapaknit sa isip ko ang kawalan nang kahalagahan at pagsasaalang-alang sa buhay ng isang tao sa kilusan. Ang tao para sa kanila ay isa lamang bagay, isang kagamitan o makina na maaaring gamitin sa pag-ugit ng isang sosyalistang lipunan.
Kapag napagmamasdan ko ang aking anak na natutulog nang payapa katabi ng aking asawa, ay humihiwa sa aking alaala ang pintig ng buhay na nagsimula sa sinapupunan, siyam na buwang kasugpong ng hininga ng isang ina. Kinalinga at inaruga ng ilang taon---sa huli ay bibihagin lamang ang pagkatao at isipan ng isang paniniwala hangang sa maging daan ng kamatayan. Ang masakit, kamatayan sa kamay ng mga itinuring na kapanalig.
Kasabay nang pagsusuka ko dahil sa kalasingan ay humahalukay din sa aking sikmura ang hapdi ng maling paratang sa akin noon bilang reaksyonaryo. Sa mga sandaling ganito, kapag umiikot na ang mundo ko ay tumatambad sa aking balintataw si Rene habang tinuturuan ko noong magbisikleta, natutumba, nagagalusan. Hanggang matutunan niya ang lahat, ang manimbang, pumihit pakaliwa… sumikad pasulong, paangatin ang gulong at mag-exhibition o di kaya’y mamasyal na lamang. Sana siya’y namasyal na lamang.
Hanggang isang araw, namulat ako sa natunghayan ko sa pahayagan, lumitaw sa isip ko ang hubad na katotohanan. Magaganda na pala ang buhay ng mga naging lider ng kilusan. Ang isa ay naging administrador ng isang multinational computer business sa Subic at security consultant, ang isa’y naging presidente ng multi-milyong kooperatiba sa Tarlac, naging mga negosyante’t kapitalista, advisers ng mga Public Relations Firms, consultants at opisyal ng pamahalaan. Ang isa naman ay namamayagpag sa Media dahil kapatid ng isang kilalang naging kongresman sa Bicol subalit pinatay din ng mga dating kasama. Sa personal na pag-unlad at popularidad ng mga naging lider na ito ay naging tuntungan nila ang laksang mga bangkay ng mga tunay na rebolusyonaryo lalo na ang kabataan na madaling namanipula ang pag-iisip.
Napaglaruan ng mga hunyangong nagbalatkayo sa ngalan ng katarungan at nasyonalismo ang hanay ng mga kabataan. Sumakay sa mga isyu para sa kanilang ambisyong politikal at ipinaligo ang dugo ng mga lehitimong maghihimagsik. Para sa mga buwitreng kagaya nila, maniningil ang kasaysayan at tadhana.
Ang tangi lamang nagpapaluwag sa dibdib ko at unti-unting lumulusaw sa nanunumbat kong sarili ay ang katotohanang para sa masang pinaglingkuran ni Rene at ng marami pang kagaya niya ang hinantungan, sila ang tunay na rebolusyonaryo. Sila ang mga tunay na bayani dahil sa kahandaan at komitment nilang ialay ang buhay para sa bayan, nang walang pag-aalinlangan at pagsasaalang-alang sa pansariling kapakanan.
-W A K A S-
-Katimugang Tagalog, lalawigan ng Rizal, 30 Nobyembre 1997
( Ang kathang ito ay isang pag-aalay sa diwa at alaala nina KA NONI VILLANUEVA, LEONARDO RODRIGUEZ aka KA AMOR, KA FLOR LAM, Gen. EDGARDO ABENINA, Commodore DOMINGO CALAJATE, PSSUPT ISAIAS R LIM, CAPT. APOLLO PALASOL, Lt. VILLAR, PO3 DANIEL SURBAN at PO1 ALEX AGUDA .)
**************************************************************************************************
“ Ang mga nahihimbing ay may kanya-kanyang panaginip. Ang mga mulat ay may nagkakaisa at mapagpalayang pangarap..”
PUNLA-IPIL
ANG ATING PANANAW AT PANININDIGAN:
Ang kasalukuyang krisis panlipunan na kinakaharap ng ating bansa at digmaang IDEOLOGICAL na isinusulong ng iba’t-ibang mga armadong grupo ay may solusyon. Ito ay ang IDEYOLOHIYA. Kung ideological ang labanan, dapat na armado din ang ating hanay ng isang mas superior na ideyolohiya. Ang ideyolohiya ay ang tulay na nag-uugnay sa mga tyorya at pagsasapraktika. Ang lahat nang maunlad na bansa sa daigdig ay may ideyolohiyang tinaglay ang mga mamamayan na naging pundasyon sa pagdakila at pagkakaisa ng kanilang bansa. Ang bansang HAPON ay nagtataglay ng SHINTOISM na kaisipang sila ay nagmula sa Haring ARAW at superyur na lahi. Ito ang naging dahilan upang maging, hangang sa bingit nang pagkatalo noong WW-II, ang kanilang mga magigiting na mandirigma ay naglunsad ng KAMIKAZE, Assault at suicide operations upang mapanatili ang kanilang Respeto sa Sarili at Dignidad. Ang kanilang mga pinuno sa digmaan o mga nagkamaling lider ay nagsagawa ng HARA- KIRI upang mahugasan ng kanilang dugo ang kahihiyan at nahubdan niilang karangalan. Ito rin ang naging susi, upang mismong ang mga ina ng mga sundalong nakidigma ay mas hinangad pang mamatay sa larangan ang kanilang mga anak, kaysa sa umuwing talunan. Ang paniniwalang sila ay superyur ang naging tulay upang muling bumangon ang JAPAN mula sa abo ng digmaan at ngayon ay nagapi na sa larangan ng ROBOTICS, Electronics, Car manufacturing at antas ng ekonomiya ang US.
Ang mga ALEMAN ay inudyukan ng THIRD REICH at MEIN KAMPF ni HITLER na nag-inspire at nagmotivate sa kanila upang palakasin ang kanilang bansa, bawiin ang kanilang dangal sa pagkatalo sa WW-I at sakupin ang EUROPA. Ang mga AMERIKANO ay ginabayan ng LIBERTARIAN IDEOLOGY na naging dahilan upang putulin nila ang pagiging anak lamang ng ENGLAND.
Sa paggabay ng KAISIPANG PILIPINO lamang tayo magkakaisa, aangat at malilinaw sa ating mga isipan kung ano talaga ang interes na para sa sambayanang Pilipino sa larangan ng Pulitika, Edukasyon, Ekonomiya at Kultura.
Base sa pagkakaisang ito sa linyang pang-ideyolohiya ay makakapagpasya tayong tahakin ang landas ng tunay na pagbabago at pag-unlad. Magkakaroon tayo nang kahandaan na isulong ang isang Demokratikong Pagbabagong Pilipino.
Ang ideyolohiya ay ang pinag-isang mga paninindigan, mga tyorya at mga layunin na siyang kabuuan ng isang socio-political na programa. Ang ideyolohiya ay umiigpaw sa mga pang-indibidwal na alalahanin sa pamamagitan nang pagtatatag ng isang pangkalahatang takdang layunin para sa grupo ng mga indibidwal na nabubuhay sa isang particular na lipunan. Ang ideyolohiya ay agad na nabibigyan nang panlipunang saklaw.
Sa kabuuan, ang ideyolohiya ay isinasaad ang panlipunang pakay ng mga indibidwal, ang batayan hindi lamang para tiyakin ang katiwasayan sa lipunan kundi para sa pagsingkaw ng mga kaisipan at masidhing damdamin ng mamamayan tungo sa pangkalahatang kapakanan.
BAKIT KAILANGAN ANG IDEYOLOHIYA PARA SA PILIPINO?
Ang kasalatan sa ideyolohiya ang sumiphayo sa pinakamabuting mithiin ng mamamayan. Ang Rebolusyong 1896 ay hindi ganap na nagtagumpay dahil walang pang-ideyolohiyang interes na higit na masaklaw sa paksiyonal o pampangkat na interes. Kung ang pamunuan ng Rebolusyong 1896 ay nagkaroon nang mapagkaisang ideyolohiya, disin sana’y nakibaka sila para sa mga layuning pangkalahatan--- sapagkat nasa ubod ng lahat ng ideyolohiya ay mga saligang palagay tungkol sa kalikasan ng daigdig, ng lipunan, kalikasan ng tao, pulitika, kabuhayan, moralidad at pang-araw-araw na gawain o pamumuhay.
Ang ideyolohiya ay nagtuturo sa atin na tayo ay dapat kumilos alinsunod sa prinsipyo at hindi dahil sa lantay na opurtunismo.
Sa tagal nang tuwiran at di-tuwirang pagkakasakop at pagkakabusabos, ang mga PILIPINO ay lubusang nahati lalo na sa kaisipan at damdamin. Ang pagkakahating ito at pambubusabos ay nagdulot nang kasalukuyang mga krisis sa pulitika, kabuhayan at kultura. Isang ideyolohiya lamang na matatawag na atin ang maaaring magbigkis sa ating mga isipan na siyang tututol at aktibong sasalungat sa mga kilabot na puwersa ng kadiliman na ngayo’y naghahari at nagsasamantala sa ating lipunan.
ANONG URI NG IDEYOLOHIYA ANG KAILANGAN NG MGA PILIPINO?
Ang isang tunay at makabuluhang ideyolohiya ay sumisibol mula sa mismong kalikasan nang panlipunang reyalidad. Ito ay dapat na mayroong pangkasaysayang saligan. Sa panahon ngayon, walang bansa ang maaaring umunlad na walang sariling ideyolohiya: at kung magtataguyod tayo ng ideyolohiya, kailangang ito ay IDEYOLOHIYANG PILIPINO at hindi ibang ideyolohiya: 1) sapagkat kalutasang PILIPINO ang kailangan nating ilapat sa mga suliranin sa PILIPINAS at sa Lipunang Pilipino. 2) Dahil talos natin sa ating kasaysayan na kailanman ay hindi magsisilbi sa kapakanang PILIPINO ang alinmang DAYUHANG IDEYOLOHIYA. 3) Sapagkat mula sa mayamang kaban ng ating mga karanasan ay napakaraming ideyang sumisibol at naghihintay na lamang para gamitin at paunlarin.
( 20 September 2006, Lunsod ng Quezon)
-PLS REPRODUCE AND PASS AROUND TO FRIENDS AND RELATIVES********
For any comments, suggestions or reactions pls txt to 09192869948
Copyright 1997, 2006 by RFabregas