Monday, August 28, 2017

“Ilegal na Droga, Salot ng Lipunan na Ating Lalabanan Hanggang Kamatayan!”

PO2 JOSE CLINT CANETE

          Ang panganib na dulot nang pagiging isang Alagad ng Batas ay laging nakabuntot na anino sa isang responsableng kagawad ng pulisya. Ang karit ni KAMATAYAN ay laging nakaamba dahil sa banal na tungkuling ipatupad ang batas nang patas at walang kinikilingan. Kadalasang nasa bingit ng panganib ang ating mga operatiba dahil sa mga trabaho at kasong kanilang hinahawakan. Ang mga kasong kaugnay sa ilegal na droga ay isa sa mga sensitibong trabaho na kinakaharap ng ating anti-illegal drugs operatives.

          Mahirap banggain ang mga sindikatong sangkot sa ilegal na droga. Marami silang perang panggastos upang makakuha ng proteksyon, kaya nilang magbayad ng mga de-kampanilyang abugado, tiwaling law enforcers, corrupt na piskal at maging mga tiwaling personnel ng judiciary at MEDIA. Kadalasang tinatadtad ng asunto ang isang pulis ng mga abugado ng drug syndicates upang bumaba ang moral nito at manghina ang loob. Wawasakin naman ng mga PR men ng sindikato, through character assassination, ang pagkatao ng pulis upang mawalan siya ng kredibilidad. Kapag hindi umubra ang harassment at pananakot, lalagyan nila ng presyo ang ulo mo upang burahin ka na nila ng tuluyan sa mundo.     

          Para sa isang tunay na Pulis na kagaya ni PO2 Canete, buo ang loob na haharapin niya ang lahat ng pagsubok at panganib upang matupad niya ang kanyang sinumpaang tungkulin na ‘TO SERVE and PROTECT”. 

          October 21, 2008, bandang tanghali--- galing sa isang hearing si PO2 Canete at patungo na ng Regional Headquarters sakay ng motorsiklo nang siya ay pataksil na binaril sa likod ng dalawang lalaking nakamotorsiklo din. Kahit na malubang nasugatan at sumadsad ang kanyang sasakyan  sa railing ng Mactan-Mandaue bridge, pilit pa ring binunot ni Canete ang kanyang baril subalit di na niya ito naiputok dahil agad na nakalayo na ang dalawang salarin at sa pangambang may matamaan siyang inosenteng tao.

          Ayon sa isang saksi, dalawang lalaki na naka-jacket na itim at nakahelmet ang bumaril sa pulis at agad na tumakas papunta sa direksyon ng Mandaue. Agad na dinaluhan ng isang lalaki ang sugatang pulis subalit hindi na ito umabot ng buhay sa ospital. Batay
sa inisyal na imbestigasyon at pagsisiyasat, marami nang natanggap na banta sa kanyang buhay si PO2 Canete dahil sa kanyang aktibong kampanya laban sa mga sindikato ng ilegal na droga.


Bukod dito, may patong na umanong 70,000 pesos ang ulo ng pulis mula sa mga nasagasaan niyang sindikato dahil sa kanyang pagtupad sa tungkulin.

          Isinilang noong February 15, 1969 at pumasok sa serbisyo noong September 16, 1996, unang nadestino si Canete sa Regional Mobile Group bago nasabak sa Anti-Illegal drugs campaign kung saan nahasa niya ang kasanayan sa surveillance at paglansag sa mga kasapi ng sindikato ng droga.  

          Kilalang isang dedikadong pulis, maraming beses nang nalagay sa peligro ang buhay ni Canete. Minsan ay nabugbog ito at nagulpi ng mga opisyal ng barangay habang nagsasagawa ng surveillance operation subalit nagbunga naman nang pagkakaaresto ng mga drug pushers sa Barangay Ibabao noong 2003.. Ginawaran na rin siya ng Medalya ng Sugatang Magiting noong 2006 dahil sa pagresponde sa isang nabaril na Barangay Tanod at pakikipagbarilan sa suspek na si Alberto Palangan. Tinanamaan siya sa tiyan sa naganap na encounter subalit nahuli naman si Palangan.

          Sa edad na 39 natuldukan ang buhay ng isang magiting na pulis na nagngangalang PO2 JOSE CLINT CANETE. Maraming mamamayan ng komunidad ang nanghinayang sa kanyang pagpanaw. Naulila niya ang kanyang tatlong anak na lalaki at maybahay na si Charito na isang OFW at nagtatrabaho sa DUBAI nang siya ay mapaslang. Gayunman, ang kawalan at pangungulilang nararamdaman ng mga kamag-anak, kaibigan, at mga kasamahan ni Canete ay unti-unting napapawi dahil sa alalahaning hindi nasayang ang inialay niyang buhay sa ngalan ng BATAS at KATARUNGAN. Sa bawat putok ng baril na inialay ng PNP sa libing ni PO2 Canete, umaalingawngaw din sa nag-aalab na dibdib ng bawat pulis ang panatang ang bawat isa sa atin ay handang mamatay at mag-alay ng buhay para sa mamamayang ating pinaglilingkuran.




Wednesday, January 21, 2015

ANG NIYOG


HAMBALOS


BUKANG LIWAYWAY SA TAKIPSILIM


Ang Diwang Pilipinismo


Ang rurok ng Pilipinisasyon ng nasyonalismo ay narating noong mga huling yugto ng Kilusang Propaganda na kung kailan marami sa mga kasama rito ay lubusan nang nawalan ng pag-asa sa pananalig na ang pamahalaang Espanya ay magsasagawa ng mga repormang kanilang hinihiling. Matatandaan na sa simula, ang Kilusang Propaganda ay humihingi lamang ng pantay na karapatan para sa mga Pilipino at Kastila. Sa kanilang pakikibaka noon para sa bayan ay Hispanismo ang kanilang sinusunod at hindi pa Pilipinismo.

     Ang pagwawaksi sa Nasyonalismong bihag ng di-Pilipinong pag-iisip ay nangyari lalung-lalo na kay del Pilar, Mariano Ponce, Lopez-Jaena, at iba pa. Sa isang editoryal ng La Solidaridad noong Enero 31, 1894 binalaan ni del Pilar ang mga Kastila na ang mga bayang naaapi ay gumagamit ng dahas ng himagsikan kung sa kanilang paniwala ay lahat ng mahinahong paraan upang supilin ang kasamaan ay nagawa na. Sang-ayon kay Epifanio de los Santos, nang marating ni del Pilar ang yugto na siya ay tunay nang siphayo, noon siya nakaisip ng rebolusyon. Kung hindi siya ang nagtatag ng Katipunan, siya ang naging inspirasyon upang ito ay maitayo ni Andres Bonifacio.

     Sa tula ni Bonifacio na may pamagat na Katapusang Hibik ng Filipinas, isinaad ang tuwirang pagtiwalag sa mga Kastila: Ikaw nga oh inang (Espanya) pabaya’at sukaban/kami’ay di na iyo saan man humanggan.

     Si Emilio Jacinto, ang kanang kamay ni Bonifacio at siyang Utak ng Katipunan, ay tinalakay rin ang himagsikan bilang isang huling lunas sa kanyang A La Patria na sinulat noong 1897. Ang daang taong pagwawalang-kibo ay nawakasan na, ayon kay Jacinto, at ang maamong ahas na siyang dahilan ng pagkaalipin ng taong bayan ay dapat nating durugin nang walang awa, at walang takot, at hayagang paraan.

     Gaya ng Kilusang Propaganda, ang mga rebolusyonaryo ay nangailangan din ng pagkakaisa; ngunit ang pagkakaisang ibig ng Katipunan ay Kaisahan ng mga Filipino bilang isang malayang bansa at hindi bilang bahagi ng Pandaigdig na Bansang Kastila. Ito ay buong linaw na nasaad sa Kartilla ni Jacinto. Ang Katipunan, ayon sa Kartilya ay may layuning pag-isahin ang kuro at layunin ng mga Pilipino.

     Ayon pa rin kay de los Santos, si Bonifacio ay siyang ama ng Demokrasyang Pilipino at siyang tanging naniniwala sa bisa at kabanalan ng demokrasya bagamat siya ay napangunahan nina Rizal at del Pilar. Sa mga naunang propagandista ang demokrasya ay bahagi lamang na Ideyang Imperyal ng Kastila. Kay Bonifacio, ito ay ideyang labas sa Pandaigdig na Lipunang Kastila, at dahilan sa kanyang kaliitan at kahirapan ng buhay ang ideya ay naging radikal at populistiko, mga nilalamang una sa panahon at lugar sa kasaysayan ng ating bansa.

     Ang maliwanag na pangungusap tungkol dito ay binigkas ni Jacinto sa Kartilla. Ang Artikulo IV ng nasabing akda ay nagsasaad ng isang saligang ideya na tumutukoy sa pagkakapatiran ng tao at ang kanilang pagkapantay-pantay nang walang pagsasaalang-alang sa kanilang kulay, yaman, dunong, at iba pang katangiang pangkatawan. Ang konseptong pagkapantay-pantay ng tao ay karapatang ibinigay rin sa kababaihan. Sila ay katulong at kawaksi ng mga kalalakihan at ang kanilang kahinaan ay dapat igalang, ayon sa Artikulo IX.

     Ang magandang kahulugan ng pantay-pantay na ideya ay inulit na tinalakay ni Jacinto sa kanyang Liwanag at Dilim. Sa kabanatang may pamagat na Ang mga Tao ay Pantay-pantay, ang kalayaan ay binigyan ng kahulugang ganito - pag-iisip at paggawa ng anumang ibig ng isang tao ngunit hindi sa ikapipinsala ng kapwa. Ang salitang Karapatan ay kawangki at kasinghulugan ng kalayaan sapagkat kung wala ang isa ang ikalawa ay walang saysay at gayon din ang huli sa una.

     Pinag-isa ni Jacinto ang nasyonalismo at demokrasya at sinabi niya na ang mga Tagalog (o Pilipino) ay kailangan ang pamahalaan upang sila ay mabigyan ng mabuting direksiyon at halimbawa, upang ang kaisahan ay mapanatili, at upang ang layunin ay makamit. Ang pamahalaan ay dapat lamang gumawa ng bagay na ikabubuti ng mamamayan at ang puno ay may tanging katungkulan na paligayahin ang lahat! Ang mga batas ay nagpapahayag ng kaloobang bayan at hindi ng kalooban ng isang puno na isa lamang pinagkatiwalaan ng tagapasunod ng batas.

     Marahil, ang pinakamahalagang alay ng konseptong demokrasya sa pakahulugan ni Jacinto ay ang ideyang Kadakilaan ng Paggawa. Ang paggawa ay biyaya ng sangkatauhan, ayon kay Jacinto, at ang taong gumagalang sa kadakilaan ng paggawa ay maraming pakinabang dito: una ay aliwan, ikalawa ay lakas, at ikatlo ay kasaganaan. Ang masinop na manggagawa ay isang taong may masayang kalooban sapagkat ang paggawa ay isang gantimpala at biyaya ng Maykapal na nagpapahayag ng Kanyang Malaking Pag-ibig sa sangkatauhan.

     Sa akdang Ang mga Dapat Mabatid ng mga Pilipino, inilarawan ni Bonifacio ang kagitingan at kadakilaan ng mga Pilipino noong matandang panahong wala pa ang Kastila. Sila ay namumuhay sa kasaganaan at kaluwalhatian. Ang kanilang mga puno ay sarili rin nilang kabalat at katahimikan ang naghahari sa kanilang pakikitungo sa kalapit nilang tao, sa pamamagitan ng kalakalan. Ang lahat ng tao ay may kaloobang banal. Bata at matanda ay marunong sumulat at bumasa sa sariling wika. Ngunit ang katahimikan ng paraisong ito ay ginulantang ng mga dayuhang puti na kumaibigan at kumasundo sa kanila na magiging gabay sa pag-unlad at pagtuklas ng karunungan. Sa kanilang pagtitiwala at kawalan ng masamang isipin ang mga Pilipino ay madaling naniwala at isang kasunduan, na tinatakan ng sanduguan nina Legazpi at Sikatuna, ang ginanap. Sa halip na maging gabay ng Pilipino, ang mga dayuhan ay naging mapagsamantala. Wala nang pagpipilian ang mga Pilipino kung hindi ang maghimagsik.  


PUNDAMENTAL NA BATAYAN NG MGA BALYUS NG PILIPINISMO

     Diyos, Bayan, Kapwa. Ito ang mga pangunahing pinagbabatayan ng mga balyus ng Pilipinismo.

     Malalim ang sampalataya ng mga Pilipino sa isang Dakilang Lumikha. Bagamat malayo na ang narating ng siyensiya sa pagpapaliwanag sa mga ikinokonekta pa rin ng mga Pilipino sa kagustuhan ng Maykapal. Ang mga paghihirap ay tinitingnang parusa o pagsubok ng Panginoon. Ang anumang gawaing nakasasakit at nakapipinsala sa kapwa ay itinuturing na taliwas sa pagiging maka-Diyos.

     Sa anut ano pa man ang mga Pilipino ay naniniwala na nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Ibig sabihin kahit na gaano karelihiyoso ang isang Pilipino ang pagkaligtas niya sa kahirapan at pagkaapi sa lipunan ay nasa kanya pa ring pagkukusa at pakikibaka. Ang pananalig sa Diyos ay hindi dahilan upang mawalan ng kusa na bakahin ang lahat ng pang-aapi at pagsasamantala, bagkus itoy dapat pagmulan ng lakas ng loob ng isang Pilipinong nagnanais ng pagbabago at kapayapaan. Kung ang Marxistang konsepto ng pagiging pangunahin ng mga bagay na materyal ang nagbibigay lakas ng loob sa mga tagapagtaguyod ng marahas na rebolusyon, ang pananalig sa Diyos ang nagbibigay naman ng lakas ng loob sa mga tagapagtaguyod ng mapayapang rebolusyon. Hindi nito ibig sabihin na ang mga tagapagtaguyod na mapayapang rebolusyon ay hindi makasiyentipiko. Kaya lamang, kahit na sa kanilang pakikipagtunggali sa iba hindi nila kinalilimutang ang bawat tao ay nilikha ng Diyos. Gaano man kaigting ang tunggalian hindi iniiwan ng Pilipino ang anumang posibilidad ng pag-iwas sa ikasasawi ng isang nilalang ng Diyos.

     Ang niloloob ng isang Pilipino bagamat repleksiyon din ng mga materyal na bagay sa lipunan ay mayroon ding materyal na elemento ng emosyon o pantaong damdamin na malaki ang epekto sa takbo ng lipunan. May malalim na kalooban ang isang tao na repleksyon ng kabutihan ng Diyos. Ang kalooban na ito ang siyang dapat gumagabay sa tao upang mapayapa at masaganang mamuhay sa daigdig. Ang kalooban na ito ang tinatarget ng isang kilusang pang-ideyolohiya katulad ng Kilusang Pilipinismo upang mangingibabaw at magkaroon ng tunay na rekonsilyasyon sa ating bayan.

     Bago pa dumating ang mga Kastila ay maka-Diyos na ang mga naninirahan dito sa mga isla ng Pilipinas. Bagamat maliban sa mga Muslim ang mga imaheng sinasamba ay mga anito at simbolo ng kalikasan. Ang ibig sabihin, mulat simula pa ang mga ninuno ng mga Pilipino ay gumagamit na ng mga pamantayang maka-Diyos hindi lamang upang maipaliwanag ang kalikasan kundi upang magkaroon ng gabay sa relasyon sa hanay ng mga tao at sa pagitan ng tao at kalikasan.

     Ang debateng kung mayroon ngang Diyos o wala ay walang katapusan. Ang teyorya ng Marxismo at diyelektikong materyalismo ay hindi naging sapat upang maigupo ang kaisipang maka-Diyos kahit na sa mga bansang pinamamahalaan ng mga partidong komunista. Ang tanging maliwanag na naipunto ng mga Marxista ay ang naging paggamit sa pangalan ng Diyos ng mga naghaharing uri upang manlupig at magsamantala. Naipunto rin nila ang naging kawalan ng pag-asa ng mga taong inaapi dahil sa pagkapaniwala nila na ang kanilang katayuan sa buhay ay siyang kagustuhan ng Diyos.

     Ginamit ng mga Kastila ang pangalan ng Diyos upang mapagharian ang mga Pilipino sa loob ng humigit kumulang na apat na raang taon. Ang mga prayle ang naging tunay na naghari sa Pilipinas. Sa pagsulong ng rebolusyon ng 1896 nakuha pa rin ng mga Pilipino na bigyan ng kaibahan ang pagiging tunay na maka-Diyos mula sa mga naging gawain at asal ng mga prayleng Kastila. Bagamat alam ng mga Pilipino na pinagsamantalahan ng mga Kastila ang pagiging maka-Diyos nila, naniwala din silang ang katangian nilang ito ang maaaring magtuwid sa kanilang pamumuhay. Maging sa mga sinulat ni Bonifacio at ng kanyang kanang kamay na si Jacinto ay matingkad ang pananalig sa Panginoong Maykapal.

     Hindi katulad ng isang Marxista na maaari lamang magpakita ng respeto sa pananampalataya ng iba sa Diyos, ang isang tagapagtaguyod ng Pilipinismo ay kumikilos batay sa paniniwala at pananalig sa Diyos at sa kabutihan ng Kaniyang mga aral. Hindi dapat na ituring na taktika o linyang pangmasa lamang ang pagtukoy sa mga maka-Diyos na aral.

     Mahalaga sa isang Pilipino ang kanyang kapwa-tao o kapwa. Itoy dahil na rin sa kanyang pagiging maka-Diyos na kumikilalang ang tao ay nilalang ng Diyos. At siya mismo ay nilalang ng Diyos. At sa pagitan ng kanyang kapwa-tao at siya ay walang puwang ang pagsasamantala at pang-aapi. Ang sinumang tao na nagsasamantala at nang-aapi ay hindi kumikilala sa kanyang pagiging nilalang ng Diyos. Nawawalan siya ng kapwa at hindi siya nagiging Makatao.

     Ang isang tagapagtaguyod ng Pilipinismo ay kumikilala sa pantay na karapatan ng bawat kapwa-tao gaano man kaiba ang paniwala at antas ng pamumuhay. Ang target ng pagkilos ng kadre ng Pilipinismo ay ang pagsasamantala at pang-aapi, mga gawang hindi Makatao. Ibig sabihin, tinatarget niya ang mga pribilehiyong tinatamasa lamang ng iilan. Naniniwala siya na sa

pagkawala ng mga pribilehiyong ito ay magkakaroon ng tunay na pakikipag-kapwa sa lipunan. Gusto niyang alisin ang kasalukuyang mga pribilehiyong ito hindi upang ilipat lamang sa isang bagong naghaharing-uri o paksyon, kundi ibahagi sa nakalalawak na sambayanan nang sa gayon ay demokratikong malutas ang hindi pagkakapantay-pantay sa pamumuhay at pagkakaiba sa paniniwala.

     Isa sa mga ito ang pribilehiyo sa kaalaman, karunungan o kaisipan na nagsimulang gawing monopolyo ng may yaman at may hawak ng oras sa lipunan. Hindi lamang sa materyal na bagay naging mahirap ang maraming Pilipino, kundi lalo na sa kaisipan.

     Lumaon, ang kaisipan ng mga naghaharing dayuhan ang pumasok sa kanilang ulo kasabay ng pagpasok ng mga produkto nito na pumatay sa inisyatiba ng mga maliliit na kapitalistang Pilipino. At ang mga oligarkong Pilipino na yumaman sa ganitong kaayusan ay lubusan nang naghubad ng anumang maka-Pilipinong pag-iisip. Sa mga ito ay lubusan ng nawala ang makataong konsepto ng kapwa. Ang tao ay naging kasangkapan na lamang sa paglikha ng tubo. Ang hindi maka-Pilipinong kaisipang ito ang yumabong sa lipunan. Ang mga mahihirap na Pilipino ay hindi lamang naging palaasa sa maibibigay sa kanila ng iba kundi pati na kung ano ang maiisip ng iba para sa kanila. Kaya napakahalaga na maglunsad ng isang kilusang pang-ideolohiya upang maibalik sa bawat Pilipino ang naaangkop na kaisipan para sa kanya.

     Ang Makabayang aktitud sa pagkilos ay nakaugat sa pagpapahalaga sa kapwa-Pilipino bilang pagbibigay ng partikular na diin kung sinong kapwa ang dapat bigyan ng pangunahing konsiderasyon. Batay sa aktitud na ito, ang pinakamataas na pamantayan ay kung ano ang makabubuti sa Pilipino. At ang makabubuti sa malawak na sambayanang Pilipino laban sa anumang dayuhang interes. Ang Pagkakaisang Pilipino ang pinakamataas na relasyong panglipunan na hinahangad ng Pilipinismo. Ang pagkakaisang ito ay nakabatay sa pagiging maka-Diyos at maka-Tao, mga sandigan ng tunay na pagiging tunay na Demokratiko.

     Ang mga pundamental na balyus ng Pilipinismo ay siyang dapat na pinagbabatayan ng mga pamantayan sa pagiging marangal, malinis, matapat, matiyaga, masinop at iba pang magandang katangian ng isang Pilipino. Ito rin ang pinakabuod ng mga pangunahing adhikain ng mga Pilipino.


TATLONG PANGUNAHING ADHIKAIN

     Ang una rito ay ang Kalayaang Pampulitika. Tumbok talaga nito ang kadahilanan ng ating paghihirap. Hindi pa tayo malaya mula sa kontrol ng mga dayuhang kapangyarihan. Hawak pa rin nila ang ating pamahalaan na animo ay instrumento lamang sa kanilang mga kamay upang protektahan at paunlarin ang kanilang sariling pambansang interes.

     Bunga ng pagkakahawak sa atin ng dayuhan, hindi rin malaya ang pagpili natin ng mga taong uugit sa ating pamahalaan. Ang pulitika natiy personalista, hindi politika ng prinsipiyo.

     Ang pangalawang pundamental na adhikain ay Katubusang Pangkabuhayan. Mahalaga sa atin ito dahil ang pangunahing suliranin natin ay ang kontrol ng dayuhang Amerikano, Intsik, Hapon, Australyano, Ingles at iba pa sa ating kabuhayan. Kailangang mapasakamay ng mga Pilipino ito. Ang Pilipinismo ay magiging instrumento sa pagbabalik sa kamay ng mga Pilipino ng kanilang kabuhayan sampu ng kanilang likas na kayamanan at kayamanang pangtao.

     Ang pangatlong pundamental na adhikain ay Panlipunang Pagkakasundo o Pagkakaisa. Maaari lamang magkaroon ng tunay na kapayapaan bunga ng pagkakasundo kung may kalayaan at katarungan para sa Sambayanang Pilipino. Kasama sa pagtalakay dito ang katarungang panlipunan at ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay sa harap ng batas at sa oportunidad upang umunlad at mabuhay nang matiwasay at masagana.      


KATANGIAN NG PILIPINISMO

Ang Pilipinismo’ay ang kaisipang magbubuklod sa atin bilang isang bansa, maghihiwalay sa interes natin at ng dayuhan, magtutulak at magbubunsod sa atin upang kumilos, magpunyagi, lumaban at magsakripisyo upang makamit natin ang mga pundamental na adhikain natin, ang kalayaang Pampulitika, Katubusang Pangkabuhayan at Panlipunang Pagkakasundo. Ang Pilipinismo ay bunga ng ating pakikibaka simula pa noong dumating ang mga kastila. Sa tatlong daang taon ng pananakop halos isang daan ang mga pag-aalsa natin laban sa Kastila.

Ang Pilipinismo ay isang puwersang nabubuo laban sa paninikil, pagsasamantala at pananakop ng sinumang dayuhan sa ating bansa. Kahit na matatalino ang mga Pilipino, ang kanilang katalinuhan ay hindi natutuon sa pagpapalaya ng kanilang sariling bansa kundi sa kanilang mga personal na interes. Layunin ng Pilipinismo na linangin ang pagkakaroon ng maraming Pilipinong may malasakit, pakikisangkot at komitment sa interes ng kabuuan at hindi lamang pansariling interes na madaling kasangkapanin ng mga dayuhan laban sa pambansang interes ng mga Pilipino.

   
PARTIKULAR NA LAYUNIN NG PILIPINISMO

     Ang nararapat na oryentasyon ng anumang ideolohiya na naglalayong maging siyang ideolohiya ng mga Pilipino at para sa mga Pilipino ay ang tunay na pagkamakabayan, ang ganap na esensiya ng pagiging isang bansa. Sa kasamaang palad, ang umiral na ideolohiya ng nasyonalismo dito sa Pilipinas ay naging bihag ng mga dayuhang interes at pag-iisip lalung-lalo na ng imperyalistang Amerikano at ng dalawang Partido Komunistang maka-Ruso at maka-Tsino. Ang katubusan at kaunlarang pambansa ay lagi na lang isinasabit sa pagkiling sa alin man sa kanila. Ang nasyonalismong ipinangangalandakan ng bawat isa ay mapanghati at hindi mapagkaisa.

     Kailangang hubugin at buuing muli ang kilusang makabayan, palayain mula sa kamay ng mga dayuhan at dayuhang kaisipan at itatag ang isang panibagong kilusang ginagabayan ng Pilipinismo, isang malaya at demokratikong kilusang mangingibabaw sa makitid na pananaw ng mga partidong pampulitika.

     Ang Pilipinismo ay bunga ng isang daang pag-aalsa laban sa Kastila at ng Rebulusyong 1896. Nagkaroon ito ng malinaw na porma at kaanyuan sa kamay ni Rizal, del Pilar, Bonifacio, Jacinto at Mabini at iba pang bayani na nagbuo at nagbalangkas ng ating kabansaan. 

     Nalugmok ang Pilipinismo pagdating ng kano at ang patuloy na paglalahad at pagsasabuhay dito sa publiko ay isinagawa ng mga lider Pilipino katulad nila Recto at Laurel. Isinabuhay din ito nina Diokno, Lichauco, Tañada at Constantino. Si Tañada sa bandang huli ay naging kiling sa kaliwa na nakahanay sa CPP, samantalang si Constantino ay tahasang gumamit ng Marxismo sa pagsusuri ng lipunan at naging higit na malapit sa pulitika ng liberal na paksiyon ng mga Marxista.

     Nasapawan ang pag-unlad ng Pilipinismo ng paglakas ng kilusang komunista mula noong 50s hanggang sa panahon ni Marcos na kung kailan ang mga puwersang sumusuporta sa gobyerno ay nagsimulang bumanggit ng mga prinsipyo ng Pilipinismo sa pamamagitan ng Kaisipang Pilipino. Maging ang mga ideologue at kadre ng Reform the Armed Forces of the Philippines Movement o RAM na nagrebelde laban kay Marcos ay gumamit din ng Kaisipang Pilipino batay sa kanilang guidebook, Crossroads to Reform. Sa partikular, ay ginamit ng RAM ang prinsipyo ng Demokratikong Rebolusyon mula sa Gitna upang pumalaot sa proseso ng pampulitikang pagbabago sa bansa. Ang Rebolusyong EDSA ay matingkad na ehemplo kung papaanong ang esensiya ng Pilipinismo ay lumalagpas sa interes ng iisang partido.

     Sa pamamagitan ng Kaisipang Pilipino, nagkaugat ang Pilipinismo sa hanay ng mga empleyado ng pamahalaan at mga kasapi ng barangay. Sa isang banda naman, maging si Cory Aquino noong kumakampanya pa lamang siya para sa pagkapangulo ay gumamit ng mga islogang batay sa Pilipinismo na ginagamit din ng Kaisipang Pilipino : Maka-Diyos, Makabayan at Makatao. Pati na ang Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (PDSP) ay nagsimulang bumagay sa Pilipinismo sa kanilang programa. Ang kanilang demokratikong sosyalismo ay ginawa nilang Demokratikong Sosyalismong Pilipino. Maging ang muling pinag-isang Nationalista Party ng 1989 ay may programang Pilipinismo na nakabatay sa mga kaisipan nila Dr. Jose Laurel,Sr. at Claro M. Recto. Maging ang taktikal na programa ng CPP, ang pambansang demokratikong rebolusyon, ay pagkilala at pagsasamantala lamang sa pro-Pilipinismong tendensiya ng mga mamamayan. Sa katunayan, ang magiging pinakamalaking problema ng CPP ay kung papaano nila babasagin ang tinatawag nilang makitid na nasyonalismo ng Pilipinismo. na antas at pinakamalawak na pag-unlad ng kaisipang makabayan at maka-Pilipino na ganap na pinalaya sa kamay ng mga dayuhang makapangyarihan. Ang Pilipinismo ngayon ang may kakayahang sumagupa sa Komunismo at Imperyalismo na kapwa dayuhang ideolohiya. Para sa komunista, ang kanilang ideolohiya at partido lamang ang dapat umiral, habang para sa isang naghaharing imperyalista naman ang pagkakaroon ng marami at mapaghating ideolohiya at partido sa isang bayan ay pabor sa pagmimintina nila ng kanilang kapangyarihan dito. Ang Pilipinismo ay kumikilala sa ganap na demokrasya na kung saan hindi iisang partido lamang ang may laya at karapatan. Katulad ng nakagisnan sa Rebolusyong 1896, ang bandila ng Pilipinismo ay hindi pag-aari ng iisang partido o paksyon lamang. Matatandaan na nang magsimulang umiral ang paksyonalismo sa pagitan nila Bonifacio at Aguinaldo sampu ng iba pa, ang Pilipinismo ay nagsimulang mawalan ng buwelo at humina sa harap ng bagong dayuhang mananalakay.

     Sa punto ng pagiging orihinal, batayan sa kasaysayan, pagiging tunay na Pilipino, pagtanggap ng tao at katumpakan sa pag-aanalisa sa kalagayan ng ating bansa, ang Pilipinismo ang pinakasuperyor sa lahat ng mga ideolohiyang nagtutunggali ngayon sa lipunang Pilipino. Ang Pilipinismo ang pinakamapagkaisa sa malawak na hanay ng mga mamamayan.

     Ang Pilipinismo ay nakaugat ng malalim sa proseso ng pagkatatag ng Kabansaang Pilipino noong 1896 at nang unang Republika ng Pilipinas noong 1898. Kahit na hindi nakumpleto, ito ang kauna-unahan, tunay na ekspresyon ng Nasyonalismong Pilipino sa panahon na iyon. Ito ay isang maikling panahon ng pambansang kadakilaan nang mahigitan natin ang lahat ng mga sakop na bansa sa Asya at Aprika sa pakikibaka laban sa kolonyalismo.

     Upang hubugin ang lipunang batay sa Pilipinismo ay kailangang matukoy ang mga kamalian sa nakaraan at iwasto kaagad. Kung hindi, ang kilusang makabayan ay magpapatuloy na mabuway at bihag ng mga dayuhan laban sa ating tunay na pambansang interes.


MULA SA NASYONALISMO TUNGO SA PILIPINISMO

     Ang Rebolusyong 1896 ay hindi nagkaroon ng pagkakataong magkabunga dahil sa pagdating ng isang bagong uri ng kolonyalismong salig sa kapitalistang sistema ng ekonomiya na mas maunlad sa kolonyalistang Kastila na salig sa piyudalismong sistema ng ekonomiya. Ito ang neokolonyalismong Amerikano o imperyalismong Amerikano. Ngunit bago nangyari ito nailatag ang pundasyon ng ating kabansaan at ideolohiya ng Pilipinismo. Ito ang di-mapapasinungalingang pruweba na mayroon tayong sariling ideolohiya. Sapagkat kung may bansang Pilipino na nabuo tiyak na mayroong ideolohiyang gumabay dito sampu ng mga pag-aalsa na naging malawak na pambansang himagsikan noong 1896. Ang pag-iral ng isang bansay kondisyon para sa pag-iral ng isang ideolohiya.

     Sa ilalim ng pananakop ng mga Amerikano, sinikap ni Mabini na panatilihing buhay ang Pilipinismo sa pamamagitan ng kanyang mga panulat. Ito ang gumabay at nagbunsod sa Rebolusyong Pilipino laban sa Amerikano na sanay nagpatuloy sa isang gerilyang pamamaraan batay sa ideya ni Gen. Antonio Luna. Ang Pilipinas ang unang Byetnam sa Asya na kung saan maraming pinaslang na mga Pilipino ang mananakop na mga Amerikano.

     Ipinagpatuloy ni Recto ang tradisyong sinimulan ni Mabini pagkatapos ng halalan noong 1946. Ngunit naging malinaw lang sa kanya ang Pilipinismo noong 1950 hanggang 1962 noong mamatay siya. Ang pagkakamali ni Rectoy pagdepende niya sa kanyang personal na prestihiyo at hindi ang pagbubuo ng isang kilusang pangmasa na may pambansang saklaw na abot ang ibat-ibang sektor ng lipunan pati na ang pinakamahirap. Ang kanyang kakulangan at kahinaan ay ang kawalan niya ng pleksibilidad sa taktika bilang isang pulitiko at ang kanyang pagiging aristokrata dahil sa pagiging intelektual at uri niyang pinanggalingan na sadyang malayo sa masa.

     Kahimat ang Rebolusyong 1896 at Republika ng Malolos ay hindi nakontrol ng mga dayuhan, nawala ang kanyang pangmasa at Pilipinistang karakter nang mapasakamay ng mga ilustrado sa pamumuno ni Aguinaldo ang rebolusyon ng masa na nagsimula sa ilalim ni Bonifacio. Ito ang nagpabilis sa pagkalaglag sa kamay ng Kano ng Rebolusyon sampu ng  hukbo ni Aguinaldo. Ang mabuway na karakter ng mga ilustrado na madaling magpagamit sa dayuhan ay lumitaw sa mga umusbong na kilusang makabayan. 


DALAWANG SALIK NA ELEMENTO NG PILIPINISMO

     Ang dalawang salik na elemento ng Pilipinismo ay ang pakikibaka ng mga magsasaka at manggagawa para sa kanilang demokratikong karapatan at kagalingang pang-ekonomiko sa isang banda at ang pakikibaka ng panggitnang uri ng mga Pilipino laban sa kolonyalismo at neokolonyalismo dahilan sa paghahangad nilang umunlad ang kanilang negosyo at mapatatag ang pundasyon ng kanilang kabuhayan sa bansa.

     Maaari sanang magkaisa ang dalawang panig na ito ngunit lagi nang pinagtataksilan ng panggitnang uri ang mga magsasaka at manggagawa sa kanilang pakikipagkompromiso sa mga dayuhan lalung-lalo na sa imperyalistang Amerikano. Sa isang banda naman ay napaniwala ng mga kadre ng kilusang komunistang pumasok sa Pilipinas ang maraming organisadong manggagawa na hindi na kinakailangang maging malaganap ang pribadong negosyo ng mga Pilipino upang maalis ang kontrol ng imperyalismo sa bansa. Ang hidwaang ito ang materyal na batayan ng hindi pagkasundo-sundo sa lipunang Pilipino.


PILIPINISMO: ANG ALTERNATIBONG REBOLUSYON
NA HINDI KOMUNISTA

     Ang paninindigang Pilipinismo ay nasa gitna ng pampulitikang ispektrum dahil sa layon nito na pag-isahin ang pinakamalawak na hanay ng mga Pilipino. Bagamat may pagkiling ito sa demokratikong kaliwa dahil sa adhikain nitong alisin ang kontrol ng dayuhan at itayo ang tunay na demokrasya na kung saan ang lalung nakararaming Pilipino na binubuo ng mga magsasaka at manggagawa, makabayang negosyante at propesyonal ang siyang nakapangyayari at may sapat na kinatawan sa Pamahalaan. Kung hangad natin ang pagbabago, hindi tayo kailangang maging komunista upang magpalit lang tayo ng amo at banyagang modelo, mula sa Kano ay Tsino naman o Ruso. Maaalala na maging ang mga dating nasasakupang bayan ng nabuwag na Unyong Sobyet ay nagbabandila ng kanilang partikular na nasyonalismo laban sa mapanakop na internayonalismo ng mga Ruso.

     Ang pakikibaka ng mga manggagawa at magbubukid ay lagi nang napapasukan ng mga ahente ng dayuhang kapangyarihan na ginagabayan ng dayuhang ideolohiya. Kahimat may bumuo rin ng organisasyong pang-manggagawa at magsasaka sa ilalim ng nasyonalismo, wala silang lubos na tagumpay na nakamit sa harap ng mas komited, mas mahusay at mas militanteng kadre ng komunista. Kayat tungkulin nga ng Pilipinismo ngayon ang bumuo ng kadre at aktibista na kayang higitan ang komitment at kahusayan sa pag-oorganisa at militansiya ang mga komunista. Bukod pa rito sadyang walang naglalatag ng isang malinaw na alternatibong ideolohiya o programa ng pamahalaan maliban sa mga komunista. Umabot sa isang kalagayan na masasabi nga na walang ibang masusulingan ang mga manggagawa at magbubukid liban sa komunismo dahil nagtagumpay itong huli na masarili ang pagtatanim ng mga rebolusyonaryong ideya sa lipunan.

     Ang pangunahing kamalian ng mga organisador ng mga prenteng makabayang samahan ay ang kanilang kolonyal na kaisipan na ang Pilipinismoy sadyang mababa kung ihahambing sa komunismo na para sa kanilay siyang tanging may kakayahang maglinang ng komitment at dedikasyon para sa bayan sa panig ng mga organisador, kadre at kasapi. Ginagawa lamang palamuti at pang-akit ang nasyonalismo upang magturo ng komunismo na magdidiin sa higit kahalagahan ng internasyonalismong komunista kaysa Pilipinismo.

     Ang komunismo ay nagbabandila ng sarili bilang makabayan. Ang Imperyalismo naman ay naibabandila ang sarili bilang tunay na demokrasya. Kailangang mapangimbabawan ng Pilipinismo ang dalawang malaking puwersang ito sa pamamagitan ng pagbabandila nito ng tunay na pagkamakabayan at tunay na demokrasya. Kayat ang Pilipinismo ay maituturing na rebolusyonaryo at siyang tanging nalalabing alternatibo sa komunismo na pang-akit sa malawak na masa ng Sambayanang Pilipino. Ito lamang ang ideolohiyang makakapigil sa pagpasok ng mga ahente ng dayuhang ideolohiya sapagkat may kakayahan itong maglinang ng komitment, magpalalim ng pagkagagap ng ideolohiya at magsanay ng mga mahusay na mga kadre.

     Sa pamamagitan ng Pilipinismo kailangan nating ipakilala ang tunay na nagtatanggol at nagpapaunlad sa pambansang interes ng mga Pilipino upang maiwasan ang pag-ulit ng kasaysayan. Ang kasaysayan ng kataksilan at pagkakanulo sa interes ng masang Pilipino. Kailangang magkaroon ng at malayang kilusan at isang Rebolusyong kultural, pulitikal, moral at ispirituwal. Ngayon na ang panahon upang iproklama natin ang Pilipinismo bilang ideolohiya ng mga Pilipino anuman ang partidong kinasasapian nila, upang unay mapalaya ang bayan sa kamay ng dayuhan at pangalaway magkaroon ng tunay na demokrasya, katarungan at kaunlaran sa pamamagitan ng isang panlipunang pagpapalaya. Ang Demokrasyang Pilipino ng Pilipinismo ay dapat kakitaan ng bagong tipo ng pulitika na kung saan ang paligsahan ng mga partido ay pagalingan sa pagsasabuhay ng Pilipinismo.


BAKIT ISANG REBOLUSYON ANG KAILANGAN?
BAKIT REBOLUSYONG PILIPINISMO?

     Kailangan natin ang isang Rebolusyong kultural, pulitikal, moral at ispirituwal.Tanging isang Rebolusyon lamang ang makasasagip sa Pilipinas mula sa ganap na pagkakalugmok at pagkakaduhagi. Kailangan natin ang ganap na pagbabago sa ating mga balyus at sa balangkas ng kapangyarihang pampulitika.

     Sulong sa kadakilaan! Ganito dapat katayog ang ating panawagan para sa lahat ng mga tunay na Pilipino dahil ganoon naman kalalim at kababa ang kinasadlakan nating kumunoy ng kasawian. Inabot na natin ang sagad sa buto na pagkaduhaging ispirituwal at moral na tanging isang rebolusyonaryong pagsisikap ang makaaahon sa atin paitaas.

     Ang lipunang Pilipino ngayon ay isang kalunos-lunos na pangitain. Nakakasuka sa sinumang disenteng Pilipino na may takot sa Diyos at mapagmahal sa bayan. Higit sa ating kawalan sa mga materyal na bagay ay ating kasalatan sa diwa at ispiritu ng pagmamahal sa bayan. Madalas nating ipagkamali na ang kasalatan natin sa ispiritu ay bunga ng kawalan sa materyal na bagay. Kaya nga lagi na lamang binibigyan ng dahilan ang pangangailangan pangkasalukuyan ang bawat katiwalian, bawat kataksilan, kawalan ng katapatan. Ang tanging ideolohiyang umiiral na lamang ay ideolohiya ng sikmura. Gumagapang tayong parang ahas dahil wala tayong sapat na tapang upang tumayo, magtrabaho, lumaban at makibaka para sa Pambansang interes.

     Kailangan natin ang ispirituwalidad na dulot ng ideolohiya ng Pilipinismo, dahil para tayong nasa kumunoy. Habang gumagalaw tayong naghahanap ng purong pangkabuhayang solusyon, lalo lamang tayong lumulubog. Sa pamamagitan lamang ng pagsisingkaw sa kolektibong kaisipan maaari tayong hilahing pataas upang makaahon mula sa kumunoy. Dapat nating malaman na ang mga suliranin nating pangkabuhayan ay nakaugat sa kawalan natin ng ideolohiya, pagkakaisa, tiyaga at pagpupunyagi sa ating mga gawaing pangkabuhayan. Kayat tinatalo tayo ng switik na dayuhan. Handa nating ibenta ang ating kapwa Pilipino dahil sa lagay ng dayuhan. Kulang tayo ng gulang upang makita natin kung paano tayo dinadaya at pinagsasamantalahan ng mga dayuhan.

     Kawawa talaga ang bansang punong-puno ng mga paniniwala ngunit walang iisang pananampalataya. Kalunos-lunos naman ang bansang nahahati sa mga paksiyon at ang bawat paksyon ay nag-iisip na siya ay isang hiwalay na bansa na may sariling pananampalataya at handang mamatay at pumatay ng kapwa Pilipino sa ngalan ng mga dayuhang ideolohiya at interes.

     Kailangang maiangat ang ideolohiya ng Pilipinismo sa antas ng pananampalataya upang mapakilos ang mga tao sa isang Kilusan at makapaglunsad sila ng isang Rebolusyon . Sa gitna ng napakaraming mga ideolohiya sa atin, hindi na natin matiyak sa mga Pilipino kung ano ang dapat na gawin. Paano mo nga naman ipagtatanggol at pauunlarin ang isang bagay na hindi mo nalalaman. Paano ka magkokomit kung hindi mo alam kung para kanino ka dapat kumilos at kaninong interes. Ito ang krisis ng ideolohiya na dapat maresolba ngayon sa pamamagitan ng Pilipinismo.


PAGIGING PILIPINO UNA SA LAHAT

     Sa grupong nagpapatayan ngayon dapat silang paalalahanan na una sa lahat sila ay mga Pilipino. Kahit na Komunista ka, Sosyalista, Kapitalista, Demokrata, Katoliko, Protestante, INK, Iglesia Filipina, Independiente o anupaman. IKAW, AKO, TAYOY PILIPINO HIGIT SA LAHAT. Bago tayo Lakas-NUCD, UNO, PMP, Bayan Muna, Laban ng Masa, LAMMP, KAMPI, Liberal, Nacionalista, Partido ng Demokaratikong Reporma, PDP-LABAN, MNLF, MILF, Partido Komunista ng Pilipinas at iba pa, tayo ay mga Pilipino. Dito natin kailangang malaman kung sino ang Pilipino at ano dapat ang kanyang ideolohiya. Itoy dapat na mahigpit na nakaugnay sa ating patuloy na pag- iral bilang isang Bansa. Kailangang maging malinaw ito upang makapagmobilisa sa tao na nakakaunawa sa karumal-dumal na kalagayan ng bansa na nangangailangan ng mapagpasiyang pagkilos.


BAKIT KAILANGAN ANG KOMITMENT?

     Sinasabi natin na mayroon na tayong ideolohiya, isang ideolohiya ng Pilipino na matagal ng natukoy bilang Pilipinismo. Bakit kailangan pa nating linangin ito lalung-lalo ang mahalagang sangkap ng Komitment sa mga Pundamental na Balyus o Pagpapahalaga.

     Sapagkat pagkatapos ng pagkakatayo ng Republika sa Malolos dumating ang isang mandarambong. Lumaban tayo ngunit nagapi. Sana ay ganap na napalaya natin ang Pilipinas ngunit nawasak ang patuloy na paglago ng isang ideolohiyang Pilipino simula noong pagdating ng Kano hanggang sa kasalukuyan. Kaya kailangang linangin ang Komitment.

     Una, nilinaw natin ang mga pundamental na balyus na dapat nating panindigan. Pangalawa, ipinakita din natin kung ano ang kalagayan ng bansa na dapat magbunsod sa atin upang kumilos. Nabatid natin na malapit nang mawasak ang ating lipunan at maging ganap na tayong alipin ng mga Kano, Intsik, Hapon, Australyano at iba pa. Pangatlo, Kailangan natin ng sapat na bilang ng mga Pilipinong may komitment sa Pilipinismo upang makabuo ng isang Malaya at Demokratikong Kilusan na siyang magtataguyod ng isang Rebolusyon.

     Hindi na pinag-uusapan ang ideolohiya sa Hapon, Amerika, Alemanya at iba pa dahil; una, ganap na silang malaya, pangalawa, ginagamit na nila ito upang maging maunlad na bansa.     



TUNGUHIN NG PILIPINISMO SA ATING PAMBANSANG BUHAY

     1. Itinuturo ng ating pambansang interes bilang mga Pilipino na lahat ng ating ispirituwal, moral, intelektuwal, likas, pisikal at makataong kayamanan ay pag-aari ng Pilipino lamang at hindi ng sinupaman. Ang kayamanang ito ay dapat gamitin lamang para sustenahin, maintindihan at paunlarin ang Sambayanang Pilipino. Ang kayamanang ito ay dapat na nasa kumpletong kontrol, pag-aari at superbisyon ng mga Pilipino, mga tunay na Pilipino.

     2. Ang isang Pilipino ay ipinanganak dito o pinili niyang tumira rito ngunit siya ay nanumpa nang walang kamatayan sa bansa, sa kanyang ideolohiya ng Pilipinismo, at magtatrabaho, mabubuhay, lalaban at mamamatay para sa pambansang interes.

 Maraming mga dayuhan ang nakakuha ng pagka mamamayang Pilipino. Pero ito’ay peke lamang at nakuha sa panunuhol sa gobyerno. Kailangan nating labanan ang mga dayuhang ito na nagsasamantala sa karapatan ng Pilipino ngunit sinasabotahe ang ekonomiya natin.

     3. Ang Pilipino ang siyang dapat na maghari sa kanyang bayan sa lahat ng aspeto ng kanyang pambansang buhay. Ngayon siya ay alipin sa sariling bayan, iskwater sa sariling bayan, walang sariling lupa samantalang pag-aari ng mga dayuhan ang lahat ng magagandang lupain at puwesto sa mga lunsod at kanayunan. Ang Pilipino ay taga-igib ng tubig at tagasibak ng kahoy sa sariling bayan, mga utusan, tsuper, hardinero, security guards at marami pang mabababa at di-makataong bagay o papel na ginagawa sa atin ng mga dayuhan.

     4. Ang Pilipino ay may ideolohiya, ang ideolohiya ng Pilipinismo na bunga ng ating makasaysayang pakikibaka para sa kalayaan at kabansaan. Wakasan na natin ang kasinungalingan na hindi nating kayang bumuo ng sariling ideolohiya upang mawala sa atin ang mababang pagtingin sa sarili.

     Ang pagkakabuo ng Bansang Pilipino noong 1896 ay di mapapasinungalingang patotoo na tayo ay may sariling ideolohiya.

     5. Ang mga elemento ng ideolohiya ay nandiyan lahat sa ideolohiya ng Pilipinismo, sa ating kasaysayan, sa ating pilosopiya sa buhay, sa mga sinulat ng ating mga bayani, mga pantas at marurunong, sa mga payak na kasabihan at salawikain ng mga magsasaka at manggagawa, sa ating mga Saligang Batas, sa ating mga batas. Ang mga balyus na nakapaloob sa ating ideolohiya ay siyang temang paulit-ulit na nababanggit sa mahigit na 100 pag-aalsa laban sa Kastila, ng 1896 Rebolusyon at ng pakikibaka natin laban sa mga Amerikano. Kasama ng ating mga layunin, adhikain at mga pangarap, ang mga ito ay nararapat ituring na nanatiling rebolusyonaryo ang demokrasya.

     6. Ang pambansang interes ay kailangang nasa ubod ng Pilipinismo. Ang kahulugan nito ay Pilipino ang siyang tanging taga-hawak ng kapangyarihang pampulitika. Kailangan sila rin ang dominanteng puwersang pang-ekonomiya na may kumpletong kontrol,hindi kalahati, ng buong ekonomiya at ang lahat ng sangay nito.

     7. Ang Pilipino ang siyang dapat na maghahari sa larangan ng kultura, wika, sining, musika, pintura, siyensiya at teknolohiya, pamamahayag, print, broadcast, movies, cassette at industriya ng musika, kontrol sa publikasyon ng mga libro, magasin at pahayagan, at sa importasyon at eksportasyon ng lahat ng bagay.

     8. Ang pambansang interes ay kailangang nasa kamalayan palagi ng lahat ng Pilipino. Kayat maging ang proseso ng lipunan tulad ng paghubog sa karakter, pag-uugali at personalidad, mula sa sinapupunan ng ina hanggang sa libingan ay dapat ipinagdidiinan ang pambansang interes. Kailangan maisingkaw sa sosyalisasyon ang kooperasyon at koordinasyon ng pamilya, simbahan, eskwelahan at gobyerno.

     9. Tinitiyak at tinutukoy ng pambansang interes ang teritoryong sakop ng Pilipinas pati na ang karagatan. Gamitin natin at ipatupad ang ating soberanya laban sa sinumang nanghihimasok sa ating teritoryo.

     10. Ang soberanya ay mula sa Pilipino at ang lahat ng awtoridad ng pamahalaan ay galing sa kanila. Nasa ubod ng Pilipinismo ang pagkontrol ng mga Pilipino sa kanilang Pamahalaan na ngayon ay sakmal ng mga dayuhang interes. Ang poder estado ay kailangang nasa kamay ng Pilipino.

     11. Nasa pambansang interes na sa pamamagitan ng Pilipinismo ay pigilan natin ang panunulsol ng mga dayuhang kapangyarihan na ginagabayan ng dayuhang ideolohiya at nagpopondo sa mga grupo ng Pilipino para magpatayan habang sila (dayuhan) ay namimista sa ating likas na kayamanan at kabuhayan. Kaya ayaw na ayaw nilang magkaisa tayo upang labanan sila. Hangad nila ang tayo ay mag-away palagi at sila pa ang tagasuplay ng mga armas. Wakasan na natin itong kalagayang ito sa pamamagitan ng Pilipinismo.

     12. Nasa ating pambansang interes, sa ilalim ng Pilipinismo na magkaisa tayo sa isang ideolohiya tungo sa mapayapang pagresolba nang ating salungatan na kadalasan ay likha ng mga dayuhan. Layunin natin na mapigilan at maiwasan ang patayan ng mga magkakapatid na hindi na titigil kapag ang inutang na buhay ay patuloy na sisingilin din ng buhay.

     13. Higit sa lahat ang ibig sabihin ng pambansang interes ay interes ng lalung nakararaming mga magsasaka, manggagawa, propesyonal, negosyante, sundalo at hindi ng isang maliit na bahagi ng populasyon na nakikipagsabwatan sa mga dayuhan. Ang masa ng Sambayanang Pilipino ay siyang tumutugon sa pagiging PILIPINO.

     14. Itinuturo ng Pilipinismo na may kakayahan ang Pilipino na mamulat kung ano ang kanyang interes bilang isang bansa, may kakayahang hubugin ang kanyang tadhana sa pamamagitan ng sarili niyang kamay, magtayo ng isang malakas, maunlad at dakilang bansa. Sa pamamagitan lamang ng Pilipinismo magkakaroon ng kaganapan ang panagimpang ang Pilipinas ang siyang susunod na milagrong pang-ekonomiko sa Asya.

     15. May kakayahan ang mga Pilipino na gamitin ang siyensiya, teknolohiya at ibat-ibang ideya mula sa ibang bansa kung nandiyan ang Pilipinismo bilang pamantayan at ang mga ito ay naglilingkod sa pambansang interes.

     16. Sa pamamagitan ng Pilipinismo mabubuo ang isang pangmasang kilusan na siyang magmumulat sa maraming Pilipino upang itaguyod nila ang isang magiting at rebolusyonaryong pagbabago sa ating lipunan upang ito ay maging tunay na Pilipino, malaya, makatarungan at demokratiko. May kakayahan itong bumuo ng mga kinakailangang kadre at kasapi ng kilusan sa pamamagitan ng:

A. Pagpapalaganap ng Pilipinismo sa lahat ng sektor ng lipunan, pagtatalakay nito kaugnay ng mga isyu upang ito ay mapayaman.

B. Paggamit sa Pilipinismo bilang solusyon sa ating saligang suliranin kaugnay ng analisis natin ng kasalukuyang kalagayan.

K. Pagsasapuso at pagsasakaluluwa ng Pilipinismo upang baguhin natin at hubugin muli ang ating sarili, upang maging tunay at tapat na Pilipino.


SENTRO NG PILIPINISMO

     Napapanahon na upang tukuying at tiyakin ang pinakasentro ng Pilipinismo, ang PILIPINO, upang hindi tayo naghahagilap kung tinatanong tayo ano ba talaga ang Pilipino? Ang Pilipinismo? Batid nating ipinangalan tayo sa Hari ng Espanya at noong una ay pangalan ito ng Kastilang Insulares at Peninulares dito sa Pilipinas. Indiyo ang tawag sa atin. Pagkatapos ng 1872, ginagamit na ito bilang pangalan ng mga dating Indiyo. Kolonyal ang pinanggalingan ng ating pangalan ngunit katulad ng isang negatibong bagay ang kolonyalismong Kastila nakatulong din sa pagkakabuo ng isang Bansang Pilipino. Kolonyal man ang pinanggalingan ng salitang Pilipino bibigyan natin ito ng rebolusyonaryong kahulugan sa ilalim ng ideolohiya ng Pilipinismo.

     Ang rebolusyonaryong kahulugan ng Pilipino ay mula sa isang dating kolonya, alipin at api at siya ay lalaya at maninindigan bilang isang marangal at dakilang tao. Ito ang layunin ng tunay na Rebolusyong Pilipino na naglalayong magtatag ng Demokrasyang Pilipino na magtatagal habang panahon, hindi bilang isang taktikal na yugto lamang katulad ng konsepto ng Bagong Demokrasya ng mga komunista. Ang kahalagahan ng angkop na demokrasya na ikaliligaya ng mga mamamayan ay makikita ngayon sa Tsina na dumaranas ng mga pag-aalsa para sa demokratikong reporma. Gusto halimbawa ng mga estudyante na bigyan sila ng laya na magbuo ng sarili nilang mga organisasyon at magkaroon din ang mga ito ng pantay na karapatan sa harap ng lipunan at pamahalaan.


     Sapat na ang salitang Pilipino upang tugunin ang mga tanong na Ano? Bakit? at Para kanino? Mayroon ba tayong anong kalagayan? Isang kalagayang ang Pilipino ay alipin sa sarili niyang bayan. Bakit kailangan tayong kumilos? Kung hindi ay hindi tayo mananatiling buhay. Tayo ay wawasakin at aalipinin sa sariling bayan. Mga estranghero at iskwater sa sariling bayan. Para kanino tayo kikilos? Para sa Pilipino na malinaw na ang kahulugan.

     Ang pagiging Pilipino ay nangangailangan na tayo ay may aydentidad o pagkakinlanlan at kamulatan na di mapapagkamalang hindi Pilipino. Kailangan lamang natin itong pagyamanin at linangin upang maipagmalaki nating bilang isang puwersang magtutulak sa atin tungo sa isang mas mataas na antas ng kahusayang kapantay o higit pa ng mahusay sa mundo.

     Ang pagiging Pilipino ay pagkakaroon ng sariling wika, kultura na siyang ekspresyon ng ating henyo at kadakilaan. Ito ay pagiging malaya mula sa dikta ng sinumang dayuhan. Kalagayan para sa masa, hindi ng iilan. Karangalan at dignidad para sa lahat ng Pilipino, hindi para sa dayuhan. Kasarinlan at pagiging respetado sa pamilya ng mga bansa.

DEMOKRASYA ANG LIPUNANG ITATAYO NG PILIPINISMO

     Ang kasalukuyang pamahalaan ay masasabing bihag pa rin ng mga dayuhang interes. Ang interes ng malawak na masa ng Pilipino ay walang ganap na kumakatawan sa gobyerno. Ang panawagan para sa demokrasya ay rebolusyonaryo sapagkat hindi pa umiiral ang demokrasya sa ating bansa. Ang mga naging halalan ay hindi batayan ng tunay na demokrasya.

     Kapag namulat ang mga mamamayan sa Pilipinismo matututo silang lumaban para sa tunay na demokrasya at hindi sila malilinlang ng mga grupong kunwa ay nagtataguyod ng demokrasya, pero diktadura pala ang nais itayo. Hindi natin kailangang kopyahin ang konsepto ng demokrasya ng ibang bansa sapagkat ang ating sariling konsepto ng pakikibaka para sa kabansaan ay kaakibat din ng pakikibaka para sa demokrasya. Mayroon na tayong sariling konsepto ng demokrasya batay sa ating positibo at negatibong karanasan.

     Ang demokrasya para sa atin ay pagkakapantay-pantay ng pagkakataong pangkabuhayan at pagkakapantay-pantay sa harap ng batas. Nangangahulugan din ito ng katarungan na walang kinikilingang uri at yaman. Ito rin ay isang gobyerno ng batas at hindi ng tao.

     Samakatuwid, ang mga Pambansang Layunin ng KALAYAANG PAMPULITIKA, KATUBUSANG PANGKABUHAYAN at PANLIPUNANG PAGKAKASUNDO ay nakatuon lahat ang pansin sa PILIPINO bilang kataastaasang layon ng pagpapalaya at paggawad ng tunay na Demokrasya. Iyan ang pinaka-ubod ng Pilipinismo. Ang (1) PILIPINO at (2) DEMOKRASYA ay siyang mga Pundamental na Balyus ng Pilipinismo at ang (1) Kalayaang Pampulitika, (2) Katubusang Pangkabuhayan, at (3) Panlipunang Pagkakasundo bilang tatlong Pangunahing Adhikain ay sumusunod bilang pundamental balyus. Susunod na dito ang mga secondary balyus tulad ng kalayaan, pagkakaisa, katarungan at iba pa. Nakasingkaw dapat ang mga ito tulad ng tertiary balyus gaya ng katapatan, kasipagan, kalinisan sa pundamental at kataas-taasang balyus.         


KAPWA- NATATANGING BATAYAN
NG PAGKA-PILIPINO AT PAGKA-DEMOKRATIKO

     Ang dalawang kataas-taasang balyu ng PILIPINO at DEMOKRASYA ay hinalaw mula sa Core-Concept ng KAPWA. Ang ibig sabihin ng kapwa ay pagiging tunay na Pilipino at tunay na demokratiko. Samakatuwid ang KAPWA ay nasa loob pa ng PILIPINO na nasa sentro ng PILIPINISMO.

     Sa pinakabuod ng PILIPINO ay ang KAPWA na siyang nagbibigay buhay sa pagiging Pilipino na kung saan nakaugat ang Pilipinismo.

     Hindi ibig sabihin ng kapwa ay iyong iba sa sarili kundi iyong pagkakaisa ng sarili at ang ibang Pilipino na dapat isapuso at isaloob ng lahat ng Pilipino upang hindi siya maaaring gawing kasangkapan ng dayuhan laban sa kanyang kapwa-Pilipino. Ang ibig sabihin ng kapwa kabahagi kita ng identidad o pagkakilanlan.

     Ang pakikipagkapwa-Pilipino ay siyang pinakamataas na antas ng pakikiisa. Nililinaw nito ang pakikiisa. Hindi basta pakikiisa kahit kanino kundi sa kapwa-Pilipino.

     Ang pakikiisa ay ang susunod sa pakikipagkapwa-Pilipino sa antas ng interaksiyon. May aksiyon at sakripisyo dito. Ang susunod dito pababa ay pakikisangkot. May aksiyon ngunit hindi tuloy-tuloy. Sunod ang pakikipagpalagayan o pagkakaroon ng unawaan. Pakikisama naman ay parang nakikiayon lang, walang aksiyon. Pakikilahok, ay walang malalim na pagsama sa isang umpukan. Parang sangkap sa isang ulam. Pakikisalamuha ay hindi antagonistikong relasyon. Pakikitungo ay pagtanggap lamang ng ginagawa ng iba.

     Sa pagbubuo ng dapat gamitin ng mga tagapagtaguyod Pilipinismo ang ahat ng antas ng interaksiyon mula sa pinakamababa, pakikitungo hanggang sa pakikiisa at ng pakikipagkapwa-Pilipino.

     Sa kapwa ay kasama na rito ang makatarungan, demokrasya, pagkakapantay at pagkilala sa kalayaang hindi lamang para sa sarili kundi para sa kapwa-Pilipino.

     Kalaban ng Kapwa ang limang kasamaan (evils) sa lipunang Pilipino laluna kung dayuhan ang gumagawa nito.

     Ang walang pakikisama - kung Pilipino ay maaari pang patawarin. Malinaw kung dayuhan na gusto lang nila ang pakinabang na walang binibigay na kapalit.

     Ang walanghiya - yaong walang pakundangan sa interes at dangal ng mga Pilipino.

     Ang walang utang na loob - Hindi natin dapat asahan sa mga dayuhan upang hindi tayo maloko. Wala sila niyan. Ang gusto lang nila ay pakinabang.

     Ang walang kapwa tao - siya lang ang parang may karapatan sa mundo. Maraming mga dayuhan ang bilyonaryo na nasa bansa pero gusto pa nila itong wasakin at walang utang na loob. Dapat silang labanan at durugin.

     Ang walang kapwa-Pilipino ay pag-uugali na kasuklam-suklam maging sa Pilipino man o dayuhan. Kailangan parusahan sila upang hindi na sila makapinsala pa sa atin.

     Mula sa mga ito, mahahalaw natin ang ilang salawikain na magbibigay sa atin ng mga kaliwanagan tungo sa wastong paraan ng paggawa ng pang-ideolohiyang, pampulitika at pang-organisasyong gawain. Ang mga ito ay di na kailangang ipaliwanag pa:

 MADALI ANG MAGING TAO, MAHIRAP MAGPAKATAO.
MADALI ANG MAGING PILIPINO, MAHIRAP MAGPAKA-PILIPINO.
MADALI ANG MAKIPAGKAPWA-TAO, MAHIRAP MAKIPAGKAPWA-PILIPINO.
 =============================================================================
Mula sa mga batayang aralin ng DIWANG PILIPINISMO at isinaayos ng:

Pangkaisipang Ugnayan ng Lahi- Ideyolohiyang Pilipino (PUNLA-IPIL) at Bansang Binuklod ng Maka-Pilipinong Pundasyon para sa Masa (BBMPM)
2014