“Ilegal
na Droga, Salot ng Lipunan na Ating Lalabanan Hanggang Kamatayan!”
PO2
JOSE CLINT CANETE
Ang
panganib na dulot nang pagiging isang Alagad ng Batas ay laging nakabuntot na
anino sa isang responsableng kagawad ng pulisya. Ang karit ni KAMATAYAN ay
laging nakaamba dahil sa banal na tungkuling ipatupad ang batas nang
patas at walang kinikilingan. Kadalasang nasa bingit ng panganib ang ating mga
operatiba dahil sa mga trabaho at kasong kanilang hinahawakan. Ang mga kasong
kaugnay sa ilegal na droga ay isa sa mga sensitibong trabaho na kinakaharap ng
ating anti-illegal drugs operatives.
Mahirap
banggain ang mga sindikatong sangkot sa ilegal na droga. Marami silang perang
panggastos upang makakuha ng proteksyon, kaya nilang magbayad ng mga de-kampanilyang
abugado, tiwaling law enforcers, corrupt na piskal at maging mga tiwaling
personnel ng judiciary at MEDIA. Kadalasang tinatadtad ng asunto ang isang
pulis ng mga abugado ng drug syndicates upang bumaba ang moral nito at manghina
ang loob. Wawasakin naman ng mga PR men ng sindikato, through character
assassination, ang pagkatao ng pulis upang mawalan siya ng kredibilidad. Kapag
hindi umubra ang harassment at pananakot, lalagyan nila ng presyo ang ulo mo
upang burahin ka na nila ng tuluyan sa mundo.
Para
sa isang tunay na Pulis na kagaya ni PO2 Canete, buo ang loob na haharapin niya
ang lahat ng pagsubok at panganib upang matupad niya ang kanyang sinumpaang
tungkulin na ‘TO SERVE and PROTECT”.
October
21, 2008, bandang tanghali--- galing sa isang hearing si PO2 Canete at patungo
na ng Regional Headquarters sakay ng motorsiklo nang siya ay pataksil na
binaril sa likod ng dalawang lalaking nakamotorsiklo din. Kahit na malubang
nasugatan at sumadsad ang kanyang sasakyan sa railing ng Mactan-Mandaue bridge, pilit pa
ring binunot ni Canete ang kanyang baril subalit di na niya ito naiputok dahil
agad na nakalayo na ang dalawang salarin at sa pangambang may matamaan siyang
inosenteng tao.
Ayon
sa isang saksi, dalawang lalaki na naka-jacket na itim at nakahelmet ang
bumaril sa pulis at agad na tumakas papunta sa direksyon ng Mandaue. Agad na
dinaluhan ng isang lalaki ang sugatang pulis subalit hindi na ito umabot ng
buhay sa ospital. Batay
sa inisyal na imbestigasyon at pagsisiyasat,
marami nang natanggap na banta sa kanyang buhay si PO2 Canete dahil sa kanyang
aktibong kampanya laban sa mga sindikato ng ilegal na droga.
Bukod dito, may patong na umanong 70,000
pesos ang ulo ng pulis mula sa mga nasagasaan niyang sindikato dahil sa kanyang
pagtupad sa tungkulin.
Isinilang
noong February 15, 1969 at pumasok sa serbisyo noong September 16, 1996, unang
nadestino si Canete sa Regional Mobile Group bago nasabak sa Anti-Illegal drugs
campaign kung saan nahasa niya ang kasanayan sa surveillance at paglansag sa
mga kasapi ng sindikato ng droga.
Kilalang
isang dedikadong pulis, maraming beses nang nalagay sa peligro ang buhay ni
Canete. Minsan ay nabugbog ito at nagulpi ng mga opisyal ng barangay habang
nagsasagawa ng surveillance operation subalit nagbunga naman nang pagkakaaresto
ng mga drug pushers sa Barangay Ibabao noong 2003.. Ginawaran na rin siya ng
Medalya ng Sugatang Magiting noong 2006 dahil sa pagresponde sa isang nabaril
na Barangay Tanod at pakikipagbarilan sa suspek na si Alberto Palangan. Tinanamaan siya sa tiyan sa naganap na encounter subalit nahuli naman si
Palangan.
Sa edad na 39 natuldukan
ang buhay ng isang magiting na pulis na nagngangalang PO2 JOSE CLINT CANETE.
Maraming mamamayan ng komunidad ang nanghinayang sa kanyang pagpanaw. Naulila
niya ang kanyang tatlong anak na lalaki at maybahay na si Charito na isang OFW
at nagtatrabaho sa DUBAI nang siya ay mapaslang. Gayunman, ang kawalan at
pangungulilang nararamdaman ng mga kamag-anak, kaibigan, at mga kasamahan ni
Canete ay unti-unting napapawi dahil sa alalahaning hindi nasayang ang inialay
niyang buhay sa ngalan ng BATAS at KATARUNGAN. Sa bawat putok ng baril na
inialay ng PNP sa libing ni PO2 Canete, umaalingawngaw din sa nag-aalab na
dibdib ng bawat pulis ang panatang ang bawat isa sa atin ay handang mamatay at
mag-alay ng buhay para sa mamamayang ating pinaglilingkuran.