ANG BATAYANG PANANAW AT PANININDIGAN PARA SA
DEMOKRASYANG PILIPINO
ni Robert Fabregas
Ang kasalukuyang krisis panlipunan na kinakaharap ng ating bansa at digmaang IDEOLOGICAL na isinusulong ng iba’t-ibang mga armadong grupo dito saating bansa ay may solusyon. Ito ay ang pagtangan sa angkop na IDEYOLOHIYA. Kung ideological ang labanan, dapat na armado din ang ating hanay ng isang mas superyor na ideyolohiya. Ang ideyolohiya ay ang tulay na nag-uugnay sa mga tyorya at pagsasapraktika. Ang lahat nang maunlad na bansa sa daigdig ay may ideyolohiyang tinaglay ang mga mamamayan na naging pundasyon sa pagdakila at pagkakaisa ng kanilang bansa.
Ang bansang HAPON ay nagtataglay ng SHINTOISM na kaisipang sila ay nagmula sa Haring ARAW at superyur na lahi. Ito ang naging dahilan upang maging, hanggang sa bingit nang pagkatalo noong WW-II, ang kanilang mga magigiting na mandirigma ay naglunsad ng KAMIKAZE, Assault at suicide operations upang mapanatili ang kanilang Respeto sa Sarili at Dignidad. Ang kanilang mga pinuno sa digmaan o mga nagkamaling lider ay nagsagawa ng HARA- KIRI upang mahugasan ng kanilang dugo ang kahihiyan at nahubdan nilang karangalan. Ito rin ang naging susi, upang mismong ang mga ina ng mga sundalong nakidigma ay mas hinangad pang mamatay sa larangan ang kanilang mga anak, kaysa sa umuwing talunan. Ang paniniwalang sila ay superyur ang naging tulay upang muling bumangon ang JAPAN mula sa abo ng digmaan at ngayon ay nangunguna na sa larangan ng ROBOTICS, Electronics, Car manufacturing at antas ng ekonomiya.
Ang mga ALEMAN ay inudyukan ng THIRD REICH at MEIN KAMPF ni HITLER na nag-inspire at nagmotivate sa kanila upang palakasin ang kanilang bansa, bawiin ang kanilang dangal sa pagkatalo sa WW-I at sakupin ang EUROPA. Ang mga AMERIKANO ay ginabayan ng LIBERTARIAN IDEOLOGY na naging dahilan upang putulin nila ang pagiging anak lamang ng ENGLAND.
Sa paggabay ng isang KAISIPANG PILIPINO (Ideyolohiyang Pilipino) lamang tayo magkakaisa, aangat at malilinaw sa ating mga isipan kung ano talaga ang interes na para sa sambayanang Pilipino sa larangan ng Pulitika, Edukasyon, Ekonomiya at Kultura.
Base sa pagkakaisang ito sa linyang pang-ideyolohiya ay makakapagpasya tayong tahakin ang landas ng tunay na pagbabago at pag-unlad. Magkakaroon tayo nang kahandaan na isulong ang isang Demokratikong Pagbabagong Pilipino.
ANO BA ANG IDEYOLOHIYA?
Ang ideyolohiya ay ang pinag-isang mga paninindigan, mga tyorya at mga layunin na may panlipunang saklaw at nagsisilbing kabuuan ng isang socio-political na programa. Ang ideyolohiya ay umiigpaw sa mga pang-indibidwal na alalahanin sa pamamagitan nang pagtatatag ng isang pangkalahatang takdang layunin para sa grupo ng mga indibidwal na nabubuhay sa isang partikular na lipunan.
Sa kabuuan, ang ideyolohiya ay isinasaad ang panlipunang pakay ng mga indibidwal, ang batayan hindi lamang para tiyakin ang katiwasayan sa lipunan kundi para sa pagsingkaw ng mga kaisipan at masidhing damdamin ng mamamayan tungo sa pangkalahatang kapakanan.
BAKIT KAILANGAN ANG IDEYOLOHIYA PARA SA PILIPINO?
Ang kasalatan sa ideyolohiya ang sumiphayo sa pinakamabuting mithiin ng mamamayan. Tayo ay walang pagkakaisa at watak-watak dahil walang iisang ideyolohiya na nagbibigkis sa ating mga mithiin. Sa ating paglalayag sa dagat ng kabansaan, ang ating bangka ay nananatiling hinahagupit ng sigwa nang kawalan ng pagkakaisa. Walang direksyon at nagkakanya-kanya tayo ng pagsagwan kung kaya’t patuloy na napapalayo ang ating bangka sa Daungan ng Kadakilaan at Katiwasayan.
Maging sa kasaysayan, ang Rebolusyong 1896 ay hindi ganap na nagtagumpay dahil walang pang-ideyolohiyang interes na higit na masaklaw sa paksiyonal o pampangkat na interes. Kung ang pamunuan ng Rebolusyong 1896 ay nagkaroon nang mapagkaisang ideyolohiya; disin sana’y nakibaka sila para sa mga layuning pangkalahatan at hindi pinairal ang rehiyonalismo o pansariling kapakanan. Sapagkat nasa ubod ng lahat ng ideyolohiya, ay mga saligang palagay tungkol sa kalikasan ng daigdig, ng lipunan, kalikasan ng tao, pulitika, kabuhayan, moralidad at pang-araw-araw na gawain o pamumuhay.
Ang ideyolohiya ay nagtuturo sa atin na tayo ay dapat kumilos alinsunod sa prinsipyo at hindi dahil sa lantay na opurtunismo.
Sa tagal nang tuwiran at di-tuwirang pagkakasakop at pagkakabusabos, tayong mga PILIPINO ay lubusang nahati lalo na sa kaisipan at damdamin. Ang pagkakahating ito at pambubusabos ay nagdulot nang kasalukuyang mga krisis sa pulitika, kabuhayan at kultura. Isang ideyolohiya lamang na matatawag na atin ang maaaring magbigkis sa ating mga isipan na siyang tututol at aktibong sasalungat sa mga kilabot na puwersa ng kadiliman na ngayo’y naghahari at nagsasamantala sa ating lipunan.
ANONG URI NG IDEYOLOHIYA ANG KAILANGAN NG MGA PILIPINO?
Ang isang tunay at makabuluhang ideyolohiya ay sumisibol mula sa mismong kalikasan nang panlipunang reyalidad. Ito ay dapat na mayroong pangkasaysayang saligan kagaya ng rebolusyong 1896 na pinamunuan ni GAT Andres Bonifacio.. Sa panahon ngayon, walang bansa ang maaaring umunlad na walang sariling ideyolohiya: at kung magtataguyod tayo ng ideyolohiya, kailangang ito ay IDEYOLOHIYANG PILIPINO at hindi ibang ideyolohiya: 1) sapagkat kalutasang PILIPINO ang kailangan nating ilapat sa mga suliranin sa PILIPINAS at sa Lipunang Pilipino. 2) Dahil talos natin sa ating kasaysayan na kailanman ay hindi magsisilbi sa kapakanang PILIPINO ang alinmang DAYUHANG IDEYOLOHIYA. 3) Sapagkat mula sa mayamang kaban ng ating mga karanasan ay napakaraming ideyang sumisibol at naghihintay na lamang para gamitin at paunlarin.
Dapat nating tandaan na ang isinusulong ng Ideyolohiyang Pilipino ay pagkakaisa, hindi ang tunggalian ng uri! Hindi dapat na klasipikahin ang lipunang Pilipino batay sa antas ng kabuhayan, hanap-buhay at pinag-aralan. Mismong ang Kalikasan ng Mundo ay nagtatakda nang pagkakaugnay at Harmony ng lahat ng bagay at nilalang. Maging ang ating mga daliri sa kamay ay hindi pantay-pantay subalit may kanya-kanyang gamit at kumakatawan sa kabuuan. Lisyang linya din na paigtingin at isangkalan ang tunggalian ng mahirap at mayaman sapagkat ito ay tyoryang salat sa pagsasaalang-alang sa lohika at rasyonal na pangangatwiran.
Hindi monopolyo ng mga mayayaman ang kasamaan at hindi rin laging mahihirap ang nasa katuwiran. Ang tunay na Kalayaan ay nagsisimula sa pagkakaroon ng kamulatan, kamalayang panlipunan at pagsusulong ng internal na pagbabago sa ating kaisipan. Ang tunay na pagbabago naman ay nag-uugat sa pagbabago ng ating diwa at sarili. Kasunod ng kamulatan ay ang pagsasaalang-alang sa pampangkalahatang interes at pambansang kapakanan. Ang itaas na bahagi ng lipunan ang dapat na manguna sa radikal na transpormasyon ng lipunan upang maiwasan ang marahas at madugong tunggalian. Kapag ang bumalikwas ay ang masa, magiging madugo ang resolusyon ng tunggalian.
Kung uuriin natin ang Lipunang Pilipino, dapat na sa pagitan nang MABUTI at MASAMA. Mabuting PILIPINO ka ba o MASAMA? Makatarungan ka ba o di- makatuwiran? Kayo, saan kayo kabilang? Saan kayo papanig?